Tapos na!
KAHAPON nagwakas ang paghihirap ng kalooban at pagkaburyong ng mga taga-Metro Manila sa traffic na dulot ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit. Nag-uwian na ang mga lider ng bansa na nakangisi sa napakagandang pagtrato ng sambayanan, hehehe! Naitago kasi ng Aquino administration ang mga kilos protesta ng mga militante sa lugar ng Baclaran, Buendia, Ermita, Liwasang Bonifacio at Mendiola matapos barikadahan ng libong pulis at sundalo. Maging ang kapaligiran ng Intramuros Manila ay maraming residente at trabahador ang hindi nakapasok matapos na harangin sila ng mga pulis nang mag-tour ang ministerial spouses. Kung sabagay magiging usap-usapan na naman ang ating bansa na talaga namang napaka-hospitable at napakaligtas pasyalan ng mga lider ng daigdig.
Subalit sa mga taga-Metro Manila bakas pa rin ang pagkainis sa mga opisyales ni P-Noy na nagkulang sa preparasyon sa daloy ng trapiko. Ang tinutukoy nila rito ay sina DPWH Sec. Rogelio Singson, Usec. Jose Rene Almendras at MMDA chairman Emerson Carlos. Nang isara ang Roxas Boulevard mula Ninoy Aquino International Airport Road, Tambo, Parañaque City hanggang sa Katigbak Boulevard, Port Area, Manila na-paralized na ang daloy ng trapiko. Idagdag pa nang isara sa motorista ang A. Mabini/F.B. Harrison Streets at inner lanes ng magkabilang direksyon ng EDSA hanggang Shaw Boulevard nagulo ang pamumuhay ng mga pangkaraniwang manggagawa.
Paano ba naman marami ang nakaranas ng gutom, pagod at puyat matapos ma-trap ng 12 oras sa kalye. Kaya ang pinagbuntunan nila ng puna ay ang nakatenggang konstraksyon ng C-5 Extension sa may Merville, Pasay City (gilid ng Manila International Airport) na kapaki-pakinabang sa mga motorista ng Paranaque, Las Pinas at Cavite. Ayon pa sa aking mga nakausap “Bakbak sila ng bakbak sa EDSA (reblocking) subalit itong 1.5 kilometer na natenggang C-5 Extension na napakahalagang kalsada ay nawala sa kanilang paningin, hindi man lang na bahagian ng katiting mula sa P10 bilyon APEC Summit budget”. Kasi nga ang pinag-ukulan ng proyekto nina Singson, Almendras at Carlos ay yung mga daraanan lamang ng mga delegado ng APEC Summit at dahil tago ang C-5 Extension itsapuwera ito sa kanilang proyekto. Calling President Aquino, pakibusisi po itong pagkatengga ng C-5 Extension. Abangan!
- Latest