Problema na rin ng Malaysia
NASAPAWAN ang mga balita ukol sa APEC ng pagpugot ng ulo ng isang Malaysian na bihag ng Abu Sayyaf. Pinugutan si Bernard Then noong Martes. Dinakip si Then at isa pang Malaysian na babae mula sa isla ng Sabah sa Malaysia noong Mayo. Pinalaya ang babae matapos umano magbayad ng pantubos. Ang pagpugot kay Then ay bunsod umano ng hindi pagbayad ng pantubos. Nataon pa naman na nasa bansa ang punong ministro ng Malaysia na si Najib Razak para sa APEC. Kinondena ang pagpatay kay Then, at tinawag na mga kriminal ang Abu Sayyaf. Nanawagan sa mga otoridad na panagutin ang mga kriminal.
Madalas na ring nababalitaan na iilan na lang ang Abu Sayyaf at mahina na ang kakayanan. Pero bakit pa sila nakakakilos ng ganito? Ang pagdakip kay Then at isa pang Malaysian ay naganap sa Sabah. Ibig sabihin may kakayanan silang tumawid ng karagatan. May pinanggagalingan ang mga bangka na iyan. Hindi ba matukoy kung saan? Hindi ba mahanap ng Coast Guard ang kanilang pinanggagalingan? Iilan ba ang isla na malapit sa Sabah? Kung ganun, bakit hindi sila mahanap-hanap para durugin na?
Problema na rin ng Malaysia ang Abu Sayyaf, dahil umaabot na nga sa kanilang bansa ang mga kriminal. Malinaw na pumapasok sa kanilang teritoryo. Dapat magkaroon na ng pagsanib-puwersa ang Malaysia at Pilipinas para tapusin na ang salot na dulot ng Abu Sayyaf. Malakas ang militar ng Malaysia at may mga mas magagandang kagamitan. Nasa balita na naman ang terorismo. Kumikilos na ang France matapos ang pag-atake sa Paris kung higit 100 ang namatay. Marami na silang nahuhuli. Dapat kumilos na rin ang Malaysia at Pilipinas. Alamin ang kuta ng Abu Sayyaf at durugin.
May mga bihag pa rin ang Abu Sayyaf. Dalawang Canadian at isang Norwegian, kasama ang isang Pilipina na nadakip noong Setyembre. Kung iilan na lang talaga sila tulad ng pahayag ng mga otoridad, anim na ang kanilang nadakip itong taon, at pinatay na ang isa. Maghihintay pa ba tayo ng madadakip muli ng Abu Sayyaf bago sabihin na tapusin na ang mga iyan?
- Latest