Biktima muli ang Paris
BIKTIMA muli ang Paris ng terorismo. Noong Enero, dalawang magkapatid na terorista ang pumasok sa tanggapan ng Charlie Hebdo, isang pahayagan na kadalasan ay kritikal sa mga relihiyon, pero idinadaan sa patawa. Labingwalo ang napatay ng magkapatid at maraming nasugatan bago sila napatay ng mga pulis. Ang magkapatid ay miyembro ng Al-Qaeda.
Ngayon, biktima muli ang Paris, pero mas grabe. Anim na lugar ang sabay-sabay sinalakay ng hindi pa matiyak na bilang ng mga terorista. Ayon sa report, 127 ang kumpirmadong patay at mahigit 300 ang sugatan.
Planado ang pagsalakay. Sa walong teroristang kumpirmadong patay, pito sa kanila ang nagpasabog ng mga suot na bomba, habang ang isa ay napatay ng mga pulis. Talagang handa na sila mamatay, pero hindi bago marami pa ang mapatay sa pamamagitan ng pamamaril. Ang pinakagrabeng lugar na tinamaan ay isang concert hall kung saan may tumutugtog na banda. Dito pumasok ang mga terorista at pinagbabaril ang mga manonood.
Sa isang stadium kung saan may nagaganap na football match sa pagitan ng France at Germany, dalawang terorista ang nagpasabog. Ang sinasabi ng mga awtoridad ay hindi nakapasok sa stadium ang mga terorista dahil nataon na nanonood si French President Francois Hollande, kaya mahigpit ang seguridad. Hindi ko maisip kung ano ang nangyari kung nakapasok nga ang mga terorista at doon pinasabog ang kanilang mga bomba.
Nagkakaisa ang maraming bansa sa pagkondena sa pinakabagong insidente ng terorismo. Ang Santo Papa mismo ay nagpahayag na ang terorismo ay ang World War 3. Inangkin na ng ISIS ang pag-atake. Ang Palasyo ay naglabas na rin ng pahayag sa pagkondena sa insidente, at sinabing kabalikat ang France sa anumang desisyon hinggil sa mga terorista.
Panahon na para magdeklara ng digmaan laban sa ISIS at ano pang mga militanteng Muslim na grupo na walang ibang pakay kundi pumatay ng inosenteng tao. Walang lugar ang diplomasya dahil hindi naman kilalang bansa ang ISIS. Nangako ang France na pagbabayaran ito ng mga nasa likod nang marahas na insidente. Hinihikayat ang lahat ng bansa na laban sa terorismo na makibahagi para masugpo ang mga grupo tulad ng ISIS. Hinihigpitan na rin ng bansa ang seguridad para sa APEC summit.
- Latest