Laglag-bala bukol sa LP
KUNG sino man ang naglagay ng bala sa bagahe ng 56-taong gulang na OFW na si Gloria Ortinez ay hindi batid ang magiging masamang epekto nito sa imahe ng Pilipinas sa pananaw ng daigdig. Wasak tayo! Pati nga United Nations ay kinondena na ang anomalyang ito. Lalu pang umigting ang galit ng sambayanan nang kasunod nito, ilang pang “tanim-bala” ang iniulat ng media. Kaya media tuloy ang sinisisi ng administrasyon. Grabeh! Kawawang Aling Gloria! Ipinakita sa telebisyon na nakaposas gaya ng pusakal na kriminal dahil lamang sa iisang bala na itinanim sa kanyang bagahe para siya huthutan.
Maaalala natin na kamakailan lang, isyung malaki ang pagbuklat at pagbusisi ng Bureau of Customs sa mga balikbayan boxes ng mga OFW dahil daw baka may mga smuggled na epektos. Maraming biyahero ang nagreklamo na may nawawala sa kanilang mga dala-dalahan na dapat sana’y pasalubong sa kanilang mga mahal sa buhay.
Halos manikluhod sa pagmamakaawa ang mga OFW sa pamahalaan pero ni gapatak na simpatiya at pakikiramay ay hindi kinakitaan ang pamahalaan. Walang aksyong ginawa. Kabilang si Senador Francis “Chiz” Escudero sa mga unang nanawagan sa administrasyon na gumawa ng drastikong hakbang upang matuldukan na ang mga ano-malyang ito, lalu na ang tungkol sa tanim-bala.
Ano ang narinig natin sa mga opisyal ng pamahalaan na dapat ay may pangangasiwa rito? Wala maliban sa pagtanggi na may ganyang uri ng sindikato sa NAIA. Sumawsaw na rin sa isyu ang Pangulong Aquino pero wika nga ”too late the hero.” Sinakyan na ng international media ang usapin sa tanim-bala. Nasisindak na rin ang mga kababayan nating nasa ibang bansa na bumalik sa Pilipinas lalu na nitong darating na kapaskuhan. Hindi maunawaan ng taumbayan kung bakit ni hindi natinag ang mga tauhan sa NAIA na nangangasiwa sa pumapasok na mga bagahe sa paliparan. Nananatili rin sa puwesto sina DOTC Secretary Emilio Abaya at NAIA General Manager Angel Honrado sa kabila ng kaliwa’t-kanang batikos at panawagan na sila ay sibakin.
Kaya naniniwala ako na ang dalawang isyung ito: Balikbayan boxes at tanim-bala ay pihong gagawing batayan ng mamamayang Pilipino sa pagpili ng kanilang mga bagong leader sa darating na eleksyon sa Mayo ng susunod na taon. Sino nga namang matino ang isip na pipili sa mga taong sa impresyon ng marami ay walang habag at walang puso?
- Latest