Para sa lahat ang international na karagatan
IBA naman ang pag-usapan natin, at tila wala na talagang solusyon ang tanim-bala kundi labanan na lang ng lahat ng pasahero. Pahirapan nang husto ang mga kawatan sa NAIA na mabuksan ang bagahe at taniman ng bala o kung ano pang kontrabando para kumita sila. Ngayon nga ay may insidente kung saan pinalitan ang kandadong bagahe. Malamang nasira ang kandado kaya o pinalitan, pero ibang-iba naman ang ipinalit na padlock. Hindi ba ganundin ang nangyari sa balang nahanap umano sa bagahe ng isang paalis na OFW? Iba ang bala na nakuha sa bagahe, sa bala na ipinakita sa korte. Kaya pinalaya ang OFW dahil sa kaduda-dudang ebidensiya. Walang sindikato? Mga taga-NAIA lang ang nagsasabi niyan.
Nagpahayag ang isang admiral ng US Navy na ipagpapatuloy nila ang pag-patrol sa mga karagatan na ayon sa batas ay “international” at hindi pag-aari ng anumang bansa. Kasama ang West Philippine Sea na siyang inaangkin ng China. Sa Beijing pa niya sinabi ito nang magbigay ng talumpati doon. Dagdag pa niya na ang international na karagatan at himpapawid ay para sa lahat, at hindi pag-aari ng isang bansa lamang. Naiisip ko na lang ang pagtimpi ng mga opisyal sa China sa talumpati ni Admiral Harry Harris, commander ng US Pacific Command.
Noong isang linggo ay nanggalaiti ang China nang lumayag sa loob ng inaangking teritoryo ang USS Lassen. Binatikos ang paglayag ng barkong pandigma sa loob ng teritoryo ng mga artipisyal na isla na kanilang ginawa. Ayon UNCLOS, hindi pwedeng basehan ang mga artipisyal na isla sa paglinya ng teritoryo sa karagatan.
Sa pahayag nito ni Admiral Harris, makikita natin kung ano ang susunod na gagawin ng China kapag lumayag muli ang isang barkong pandigma ng Amerika sa Spratlys, o kapag lumipad ang kanilang mga eroplano sa himpapawid na inaangkin din ng China. Sinundan nila ang USS Lassen nang lumayag ito noong isang linggo, pero wala silang ginawang pagharang o pagbanta na tulad ng kanilang ginagawa sa mga barko ng Pilipino o Vietnamese na mangingisda. Kung mas agresibo ang kilos o pababayaan na lang ang hinihintay ng buong mundo. Ngayong nanalo na ang Pilipinas sa unang bahagi ng reklamong isinampa ng bansa laban sa China, baka magmatapang na sila nang husto.
- Latest