“Isang taong pinlano”
KAPAG SILA ANG MAY KAILANGAN para kang VIP ituring. Pero sa oras na nakuha na nila ang kanilang gusto at nakaalis ka na tila bingi na sa mga reklamo mo.
Ganito kalimitan ang daing ng ating mga kababayang umaalis para magtrabaho sa ibang bansa. Ang nagpaalis sa kanilang ahensiya ay parang walang pakialam sa kanilang mga reklamo.
“Matagal nang nawala ang perang yun pero dahil umalma siya sa amo ibinaling sa kanya ang kasalanan, ” ayon kay Joy.
Hindi kompletong naisalaysay ng kapatid ni Joy Noay na si Jenelyn Noay ang nangyari sa kanya sa ibang bansa.
Pebrero 9, 2014 nang magpunta ito ng Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia. Ang ahensiyang Rotana Manpower Agency sa Ermita Manila ang tumulong sa kanyang makahanap ng employer at mag-ayos ng kanyang mga dokumento.
“Ang komunikasyon namin ay tawag at text lang. Mas madalas pa nga sa Facebook dahil mas mura at madaling makakontak kapag may internet,” kwento ni Joy.
Maayos naman ang pagtatrabaho nito dun at walang dinadaing na problema sa amo. Hindi tulad ng iba na minamaltrato.
Nakatanggap na lang sila ng mensahe mula kay Jenelyn na nakakulong daw siya doon.
Sabi nito may nawala raw kasi noon na 30,000 Riyals sa kanyang amo isang taon na ang nakakaraan. Nung simula siya ang pinagbintangan pero iginiit niyang wala siyang kinukuha.
Nang magkasagutan sila ng biyenan ng kanyang amo sa kanya raw idiniin ang perang nawala.
“Yun daw ang dahilan kung bakit siya nasa kulungan. Nagtanong kami ng ilang detalye sa kanya pero hindi na siya sumasagot,” salaysay ni Joy.
Minsan ay nakikita raw nilang ‘online’ si Jenelyn pero hindi naman ito sumasagot sa kanilang mga mensahe sa Facebook. Hindi tuloy nila masiguro kung ano nga ba ang nangyari dito.
Lumapit sila sa Rotana para humingi ng tulong dahil ito ang may direktang kontak sa amo ni Jenelyn.
“Nangako silang makikipag-ugnayan sila sa ahensiya dun sa Saudi. Agosto pa kami humingi ng tulong sa kanila hanggang ngayon wala pang nagiging sagot sa ‘min,” wika ni Joy.
Nag-aalala na ngayon ang pamilya ni Jenelyn kung ano ang kanyang kalagayan. Wala itong kakilala sa Saudi at kung nakakulong ito hindi nila alam kung paano nila ito aasistehan.
“Humihingi kami ng tulong na malaman kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya dun. Ilang buwan na kaming naghihintay pero kahit anong impormasyon wala pa rin kaming alam maliban sa nakakulong daw si Jenelyn,” ayon kay Joy.
BAKIT MAANGAS ang ilang Security Guard sa mga subdibisyon?
Isang ‘Contributing Correspondent’ namin sa Calvento Files na si Aljon Villanueva ay dumaan sa Eastwood Libis Subdivision dahil kailangan niyang magpunta sa ospital para magbayad at magpareserba ng Intensive Care Unit (ICU) para sa pinsang ooperahan ng ‘Chiari Malformation’. Nakapasok siya sa Eastwood Libis sa Quezon City.
Hinahabol niya ang oras kaya’t nang wala ng tumatawid ay umandar na siya kahit pula pa ang ilaw sa stop light. Papalabas na siya ng Eastwood Subd nang harangin siya ng gwardiya.
‘Beating the red light’ daw ang ginawa ni Aljon. Tumawag ang guwardya ng ‘enforcer’ para matiketan siya. Sinubukang makiusap ni Aljon dahil emergency nga pero hindi siya pinagbigyan.
Tinawagan kami nitong aming Contributing Correspondent at baka sakaling mapakiusapan. Sinubukan naming kausapin ang lalaki ng maayos pero maangas niya kaming sinagot na pumunta na lang dun at makipag-usap sa kanilang opisyal.
Nagpakilala kami at tinanong ang pangalan niya. Ayaw niya itong ibigay. Isang bagay na nakapagtataka dahil ikaw ay may hinahawakang pwesto o kapangyarihan ni ayaw mong magpakilala.
O baka naman kaya ayaw mong ibigay ang pangalan ay dahil gusto mong dumilihensiya? Nagtatanong lang.
Matapos naming marinig na puro pilosopo ang sagot ng taong ito sinabi namin na karapatan ng kanyang hinuhuli na malaman kung sino siya at kung ano ang violation na nakita niya.
Nakapaloob sa ating bill of rights ‘that a person has the right to face his accuser and know what he is duly charge of’.
Kung hindi mo maintindihan ang English na yan ipa-translate mo yan sa iyong opisyal. Sinabi namin kay Aljon na kunin na lang niya ang tiket pero siguruhin niya na ilalagay nitong bastos na lalaking nakaunipormeng ito ang buo niyang pangalan at pirmahan niya.
Tumanggi si Aljon na ibigay kaagad ang lisensiya dahil hindi naman nito ibinibigay ang pangalan. Sinabihan pa raw siyang kung hindi niya ibibigay ang lisensiya ay babaklasin nito ang kanyang plaka. Dumating ang opisyal nito at dun na nalaman ang pangalan ng ‘enforcer’. Babaklasin ang plaka? Decided case sa Korte Suprema na bawal magbaklas ng plaka ng behikulo kung hindi ninyo alam.
Lumalabas na ang enforcer ay si Jessie U. Buendia, isang gwardya ng Eastwood Subdivision, Libis na dineputize ng MMDA.
Sa abalang nangyari nahuli si Aljon sa ospital at hindi na nakapagpareserba ng ICU para sa pinsan.
Dapat siguro ang mga Homeowner’s Association ng Libis East side ay magsagawa ng imbestigasyon dito sa maangas na enforcer. Baka sa susunod hindi lamang manakot na magbabaklas ng plaka mamaril pa!
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, mabigyan lang ng katiting na tungkulin ang mga taong kulang sa pansin ay mas masahol pa sa mga tunay na MMDA o LTO enforcers. Walang masamang record sa amin itong si Aljun at hindi ito abusado at kung sakali man may nalabag siyang batas trapiko sa loob ng subdibisyon okay lang naman na tiketan mo siya pero bakit ayaw mong magpakilala ha? Jessie U. Buendia? Sikreto ba ang ginagawa mo o baka naman ikaw ay isang haw siaw na sekyu patola? Nagtatanong lang naman.
Magtapang ka at magtaray ka sa mga magnanakaw na nanggugulo sa loob ng Eastwood hindi sa mga katulad ni Aljun na may emergency lang ang asawa sa ospital. Dun mo ipakita ang galing mo.
SA KASO NAMAN MG ATING OFW na si Jenelyn upang maasistehan sila nakipag-ugnayan kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Palagi na nating naririnig ang ganitong reklamo pero bakit hanggang ngayon hindi man lang umaksiyon ang mga ahensiya. Dalawang taong kontrata ang pinirmahan ng ating mga kababayan sa inyo at sana sa dalawang taong yun ay gawin niyo ang lahat para sila naman ay protektahan.
Sila ang nagpapasok ng pera sa inyong ahensiya kaya’t may karapatan silang humingi ng kahit na anong tulong kapag sila ay naagrabyado na.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618
- Latest