EDITORYAL – ‘Tanim-bala’ sobra na!
SUNUD-SUNOD na ang mga nangyayaring “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at hanggang ngayon, wala pang ginagawang hakbang ang Manila International Airport Authority (MIAA) para matuldukan ito. Ano kayang hinihintay ng pamunuan ng MIAA? Pasko? Pawang mga pasahero na papalabas ng bansa ang nabibiktima ng “tanim-bala”. Mga balikbayan at OFWs ang binibiktima ng sindikatong nasa likod ng “tanim-bala”. Ang 56-anyos na OFW na patungong Hong Kong ay hindi na nakaalis sapagkat kinasuhan na. Nakalaya lamang siya nang ipag-utos ng Pasay City court na palayain nang walang piyansa. Ang pinakahuling biktima ng “tanim-bala” ay ang 65-anyos na lola na patungong Singapore. Natagpuan ang bala sa kanyang carry-on bag. Katulad ng sinapit ng OFW na patungong Hong Kong, kinasuhan din ang lola. Hindi makapaniwala ang lola kung paano nagkaroon ng bala sa kanyang bag. Nakalagay ang bala sa side pocket ng kanyang bag.
Unang umalingasaw ang “tanim-bala” noong nakaraang buwan nang makita sa bag ng isang balikbayan na patungong California ang isang bala ng kalibre 22. Ayon sa porter na tumulong sa babae, humihingi raw ng P500 ang mga nagtanim ng bala para hindi na siya maabala. Hindi siya nagbigay ng P500 bagkus ay nireklamo ang mga tanim-bala. Nang rebyuhin ang CCTV, nakita ang apat na empleado ng Office of Transportation Security (OTS) na inakusahang “nagtatanim ng bala”. Sinuspinde na ang apat. Pero kahit sinuspinde ang apat patuloy pa rin ang “tanim-bala” sa NAIA. Office of Transportation Security (OTS).
Sa loob lamang ng isang linggo, napakaraming insidente ng “tanim-bala” ang nangyari sa NAIA. Dahil sa nangyayaring ito, maraming paalis na balikbayan at OFW ang natatakot na mataniman ng bala.
Sabi ng Malacañang, aaksiyunan na raw nila ang nangyayaring “tanim-bala”. Iimbestigahan na raw ito. Kailangan daw matigil na ito. Mas maganda kung pagbitiwin ang manager ng MIAA habang iniimbestigahan ang “tanim-bala”.
- Latest