EDITORYAL – Bangis ng haze
KAHAPON ng hapon, nabalot ng usok ang Metro Manila at marami ang naniniwalang nakaabot na rin dito ang haze na nagmula pa sa Indonesia. Una itong nakaabot sa mga probinsiya sa Mindanao, dalawang linggo na ang nakararaan. Nagdilim ang mga siyudad ng Davao, Iligan at Zamboanga dahil sa makapal na haze. Isinara ang mga airport doon. Hanggang sa makarating na rin sa Central Visayas. Nagkakaubusan na ng face masks sa mga nabanggit na lugar.
Bago pa makarating sa Pilipinas ang haze, una nang nabalot ang mga katabing bansa ng Indonesia: Malaysia, Singapore, Brunei, Vietnam, Thailand at Cambodia. Matindi rin ang bumalot na haze sa mga nabanggit na bansa sapagkat zero visibility ang mga airport kaya may nagkansela rin ng flight.
Ang haze ay usok mula sa nasusunog na kagubatan. Sa Indonesia ay marami pa ring nagsusunog ng kagubatan para gawing taniman ng palay, gulay, fruit crops at iba pang pananim na pagkakakitaan. Ito ang lumang sistema para linisin ang mga kagubatan o iba pang madawag na lugar. Dito sa Pilipinas, tinatawag itong kaingin. May mga gumagawa pa rin ng pagkakaingin sa bansa subalit hindi katulad sa Indonesia na masyadong rampant at hindi na natatakot sa batas ang mga tao roon. Masyadong malawak ang bahaging kagubatan sa Indonesia kaya walang patawad kung sirain sa pamamagitan ng pagsunog.
Ang kinatatakutan ngayon ay ang mga sakit na idinudulot ng haze kapag nalanghap ito. Ayon sa mga eksperto ang haze ay may carbon monoxide, cyanide, ammonia at formaldehyde at nagdudulot sa tao ng pagkahilo at pananakit ng ulo at mga sakit na bronchitis, asthma at pneumonia.
Wala umanong kakayahan ang Indonesia na pigilin ang mga nagsusunog ng kagubatan at wala ring sapat na mga kagamitan para masawata ang pagkalat ng apoy. Nagtutuluy-tuloy ang apoy hanggang lamunin ang mga katabi pang kagubatan.
Nararapat kumilos ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa nangyayaring ito. Kung hindi kaya ng Indonesia, tulungan ito kung paano masasawata ang haze. Maraming mapipinsala at magkakasakit kung hindi mapipigil ang pagsusunog sa mga kagubatan.
- Latest