Bilyun-bilyong piso winawaldas sa MRT-3
IKAW na nagbabayad ng buwis sa gobyerno ang maghusga.
Kumontrata si Transport Sec. Joseph Abaya ng P53.4-milyong upgrade ng MRT-3 signaling system. Isasagawa ito sa loob ng pitong buwan, ng orihinal na German supplier ng signaling nu’ng 2000.
Pero hindi naman kailangan ang upgrade. Kasi, kasalukuyang nine-negotiate nang palihim ni Abaya sa kung sinong kumpanya ang P4.25 bilyong rehab ng MRT-3. Isa sa apat na bahagi ng rehab ay ang pagpapalit ng buong signaling -- nang P900 milyon. Ano ba ang laro ni Abaya, kaya nagpapa-upgrade siya ng system na papalitan na rin?
Heto pa. Bumibili si Abaya ng rail grinder para sa MRT-3, nang P160 milyon. Pero tulad ng signaling upgrade, hindi rin kailangan ang makina, sa tatlong rason. Una, sa pasikreto niyang kinokontratang P4.25-bilyong rehab, kasama na ang P2.27-bilyong maintenance, kung saan obligado ang magiging kontratista na merong sariling grinder. Ikalawa, meron nang grinder ang LRT-1 at -2, mga kapatid na mahihiraman ng MRT-3. Ikatlo, ani Abaya gugugol siya ng daan-daang-milyon pa sa mga bagong tracks, na hindi pa kailangan i-grind.
Hindi lang ‘yon. Overpriced nang tatlong beses ang P160-milyong grinder na binibili ni Abaya, anang sources. P45 milyon lang ang tamang presyo sa merkado. Matitindi ang mga backers ng supplier, anang sources: Matataas na opisyales ng Philippine National Railways at ng Light Rail Transit Authority, na nagpapatakbo ng LRT-1 at -2.
Dagdag pang anomalya ni Abaya. Dumating nu’ng Agosto ang unang “prototype” ng 48 bagon na kinontrata mula Dalian Corp. ng China sa halagang P3.8 bilyon. Ibig sabihin ng “prototype” ay “buong umaandar na sample.” Pero walang makina ang dumating, kaya hindi umaandar. Ni hindi ito na-testing nang 5,000 kilometrong takbo, na saad sa kontrata.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest