Walisin si Atty. Tara!
NAGPALAKPAKAN ang mga dismayadong traffic enforcers and employees na kasapi sa Kapisanan para sa Kagalingan ng mga Kawani ng Metro Manila Development Authority (KKK-MMDA) matapos hirangin ni Pres. Noynoy Aquino si Atty. Emerson Carlos bilang OIC ng MMDA. Kasi nga subok na nila ang pagmamalasakit ni Carlos sa ahensiya at nakasisiguro sila na maayos nito ang mga nakabinbin na mga benepisyong iniwan ni dating chairman Francis Tolentino. Umaasa rin sila na mabuburiki ni Carlos ang kawalanghiyaan ni Atty. Tara hinggil sa P670K monthly payola isyu. At ang pinakahihiling nila kay Carlos ay ang pahagupit sa tinaguriang “ Magic-5” na mga bagman umano ni Atty. Tara. Mukhang hindi nagkamali si Secretary Jose Rene Almendras sa pagrekomenda kay Carlos sa MMDA, dahil ang simpatya ng mga traffic enforcers and employees ay napapanahon at tugma. Kaya makakasiguro na sina P-Noy at Almendras na magiging suwabe na ang serbisyong publiko ng MMDA sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko at kalinisan sa kalye na ang makikinabang ay taga-Metro Manila.
May katwiran ang aking mga kausap dahil kapag magaling ang manager sa ahensiya tiyak na fruitful ang resulta. Subalit ang pagtalikod ni Tolentino sa MMDA marami rin silang hiling na dapat na pagkakatutukan ni Carlos. Katulad na lamang sa saving ng ahensiya na naka-time deposit umano sa banko. Ang Account Code 113 na nagkakahalaga ng P211,763,299.35 ay malaking benepisyo umano ito sa mga nalilipasan ng gutom na mga empleyado na dapat mapalutang ni Carlos. Ang Carmona Housing na ini-award ni dating OIC Judge Inocentes sa mga empleyado ng MMDA bago ito lumisan sa ahensiya ay malaking tulong upang mapaganda ang kanilang pamumuhay. Ang pagsasaayos ng ranking ng mga traffic enforcers ay mahalagang pagkatutukan din umano ni Carlos dahil dito nakasalalay ang pag-command sa bawat sector.
Mukhang may katwiran na naman ang aking mga kausap, kasi nga sa kasalukuyan ang nangyayari ay palakasan kay Atty. Tara ang namamayani sa ahensiya kung kaya ang masalimuot na isyu hingil sa payola ay di nabubura sa kanilang isipan. Ayon kasi sa kanila hindi puwedeng lumundag ang isang traffic aid-1 to head district dahil kulang pa ito sa dunong o hindi pa hinog na pamunuan ang isang sensitibong puwesto. Inihalimbawa nila itong buwenas ng Magic-5 na super lakas kay Atty. Tara kaya naipuwesto ng ubod ng tayog at napag-iwanan ang mga kuwalipikadong enforcers. Atty. Carlos Sir, pakiburiki nga itong reklamong ipinupukol ng iyong mga tagahanga sa KKK-MMDA ng tuluyan mong makamit ang kanilang taus-pusong suporta. Walisin mo sa bakuran ng MMDA ang salot na si Atty. Tara at ang Berdugong Magic-5 sa pinakamadaling panahon. Dahil ang pagsulong ng MMDA sa progresibong Tuwid na Daan Program ni P-Noy ay nasa iyong mga kamay. Get mo Atty. Carlos Sir!
- Latest