Sakit sa tag-ulan
AYON sa Department of Health (DOH), kailangan tayo mag-ingat sa mga sakit na dala ng tag-ulan at pagbaha. Ito ay ang mga W.I.L.D. diseases:
1. W - Waterborne diseases o sakit na galing sa maduming tubig. Ang mga bacteria sa tubig ay puwedeng magdulot ng pagtatae. Ito ay ang mga sakit na gastroenteritis, typhoid at cholera.
Paano iiwas? Uminom lamang ng purified water o distilled water. Ang tubig gripo ay puwedeng pakuluan ng 3 minuto bago ipainom. Kahit uhaw na uhaw, huwag uminom ng tubig sa tabi-tabi. Mas malinis pa ang tubig-ulan.
2. I - Impeksiyon tulad ng trangkaso, ubo at sipon. Dahil nga nagkakasama-sama ang mga tao sa bahay o sa evacuation centers, madali silang magkahawahan. Kung ang isang tao ay may ubo, siguradong mahahawa na rin ang iba. Isa pang dahilan ng pagkakasakit ay ang paghina ng ating immune system sa panahon ng pagkapagod. Mas kinakapitan tayo ng sakit.
Paano iiwas? Umiwas sa taong may ubo o sipon. Turuan silang magbahing o umubo sa tissue, panyo o sa manggas ng kanilang braso. Lumilipad kasi ang mga mikrobiyo sa kanilang pag-ubo.
3. L – Leptospirosis. Ito ay isang sakit na galing sa ihi ng daga. Kapag may sugat ang iyong paa at lumusong ka sa baha, posibleng pumasok ang leptospirosis bacteria sa iyong katawan. Matindi ang sakit na ito at nakararanas ng paglalagnat, paninilaw ng mata at matinding sakit ng katawan.
Paano iiwas? Magsuot ng bota. Kung hindi makaiwas sa baha, maglinis agad ng paa at katawan. Maglagay ng alcohol sa lahat ng nabasang parte ng katawan.
Marami din ang nagkakaroon ng alipunga sa paa dahil sa baha. Lagyan ito ng alcohol at pahiran ng anti-fungal cream tulad ng Sulfur cream (mga 40 pesos) na mabibili sa mga botika.
4. D – Ang dengue ay nakukuha sa kagat ng lamok. Matindi itong sakit at nakamamatay.
Paano iiwas? Para makaiwas sa lamok, maglagay ng OFF lotion, magsuot ng long sleeves at long pants, at gumamit ng kulambo. Gamitin ang 3S laban sa dengue: (1) Search and destroy. Maglinis sa bakuran at alisin ang mga nag-iipong tubig; (2) Self-protection; at (3) Seek early treatment.
Tips para makaiwas sa sakit:
1. Palakasin ang katawan at umiwas sa mga bisyo tulad ng sigarilyo at alak.
2. Kumain ng pagkaing masustansya at mataas sa protina tulad ng gatas, karne at sabaw ng manok.
3. Umiwas sa sobrang lamig o sobrang init. Kung malamig ay mag-jacket at mag-medyas. Kung mainit naman ay mag-sando, at umiwas sa araw. Kailangan ng ating katawan ang katamtamang temperatura lang.
4. Uminom ng multivitamins. Puwedeng mapunuan ng multivitamins ang kakulangan ng ating diyeta. Mura at mabisa rin ang mga generics na vitamins.
- Latest