EDITORYAL - Dahil sa mga mananayaw
NAG-SORRY kamakalawa si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa pagsasayaw ng grupong Playgirls sa isang event ng Liberal Party (LP) sa Sta. Cruz, Laguna noong Setyembre 30. Sabi ni Tolentino, humihingi siya ng paumanhin sa mga nasaktan dahil sa pagsasayaw ng grupo. Kasalanan daw niya sapagkat hindi siya gumawa ng hakbang para pigilin ang pagsasayaw ng grupo. Siya raw ang pinakamataas na opisyal sa nasabing event at dapat siya ang pumigil. Humingi siya ng paumanhin sa kanyang ina na isa sa mga nasaktan at ganundin sa iba pang kababaihan dahil sa nagawa ng mga mananayaw.
Ginawa ni Tolentino ang paumanhin sa launching ng tatlong Pasig River ferries sa Guadalupe Station sa Makati City. Makaraang mag-sorry, nag-resign na si Tolentino sa MMDA at hiniling sa LP na huwag nang isama ang kanyang pangalan sa mga tatakbong senador. Una nang nareport na isa si Tolentino sa mga tatakbong senador sa ilalim ng LP. Ganunman, kahit na hindi na kabilang sa LP, tatakbo pa rin si Tolentino sa mataas na posisyon.
Mabuti naman at nag-sorry si Tolentino kaugnay sa pagsasayaw ng Playgirls sa Laguna. Una nang itinanggi ni Tolentino na siya ang kumuha ng serbisyo ng Playgirls. Masyadong naging malaswa ang pagsasayaw ng Playgirls sa stage kung saan ay dumampot pa sila ng mga lalaking audience. Pinahiga ang mga lalaki at inupuan ng Playgirls. Nakunan ng video ang dance number na iyon at ini-upload sa internet. Kumalat sa Facebook at YouTube. Umusok ang galit ng netizens sa malaswang pagsasayaw. Hindi raw dapat ginawa iyon sapagkat may mga batang nanonood sa programa, Nagreklamo ang grupo ng kababaihan. At maski si President Noynoy Aquino ay nagsabing hindi niya tino-tolerate ang kalaswaan.
Isang leksiyon ang natutuhan ni Tolentino sa nangyari: Hindi dapat gamitin ang mga kababaihan para sa isang desenteng event. Nagkamali si Tolentino sa naisip niyang paraan para makilala. Ganunman, mabuti at inamin niya ang pagkakamali. Mayroon pa rin siyang delikadesa.
- Latest