Patuloy ang sakit ng ulo
PATULOY ang sakit ng ulo ng Office for Transportation Security (OTS) sa NAIA. Ngayon naman, tatlo sa kanilang tauhan ang akusado sa pagkuha ng bag na naiwan ng OFW. Ang bag ay naglalaman ng dalawang taong ipon ng umuwing OFW, bukod sa iba pang gamit at dokumento. Kinasuhan ng “qualified theft” ang tatlo, babae pa ang da-lawa. Todo tanggi sila sa paratang. Kaya lang, may CCTV kung saan kitang-kita na kinuha ng isa sa mga babaing screener ang bag na naiwan ng OFW at ipinatong sa X-ray na makina. Kinuha naman ito ng lalaking screener at ipinasok ulit sa X-ray. Pag labas daw ng bag ay may dumampot. Bumalik ang may-ari ng bag at hinabol ang lalaki, pero hindi daw iyon ang kanyang bag. Nakita naman sa CCTV na may itinabing bag ang babaing screener na unang dumampot sa bag. Dahil dito, iniimbistigahan na sila.
Nakakasawa na pakinggan ang madalas sabihin ng OTS na “procedural lapses” ng kanilang tauhan. Kung ganun lang na panay “procedural lapses”, bakit nasa trabaho pa sila? Kung hindi nila alam ang tamang kalakaran ng kanilang ahensiya, bakit sila pa ang nakatalaga sa security? Baka dapat idaan sa ilang linggong seminar ulit ang mga tauhan ng OTS. Nangako naman ang OTS na mapapabilis ang imbestigasyon, at tatanggalin nila ang mga masasamang empleyado. Dapat lang.
Sunod-sunod ang dagok sa kredibilidad at tiwala sa OTS. Dalawang insidente ng “tanim-bala” tapos ngayon nawawalang bag naman. Kailangan nilang ayusin ito sa lalong madaling panahon. Sa tingin ko nga dapat inaaksyunan na ng Palasyo mismo and isyu na ito sa NAIA dahil ang unang nakikita at nakikipag-ugnayan sa mga dayuhan at balikbayan ay ang mga tauhan ng NAIA. Kung sa paliparan pa lang ay napakasama na ng kanilang karanasan, ano ang tulong nito sa imahe ng buong bansa?
Mabuti pa ang mga janitor o maintenance na nakakahanap ng mga naiiwang bag, agad idinadala sa kinauukulang opisyal. Mabuti pa sila, alam ang tamang kalakaran. Samantalang ang mga tao na mas malaki ang responsibilidad ay sila pa ang hindi sumusunod sa tamang kalakaran. Nataon pa na OFW ang nabiktima. Mga nagsisikap magtrabaho sa ibang bansa para sa kanilang mga pamilya, dito pa sa sariling bansa makakaranas ng kasamaan. Payo na rin sa lahat ng pasaherong paalis o parating, bantayan nang husto ang inyong mga bagahe at may mga milagrong nagaganap sa NAIA. Mga lumilitaw na bala at nawawalang bag.
- Latest