Abiso at gabay ng CAAP
WALA raw sindikato ng “tanim-bala” sa NAIA. Ito ang pahayag ng Office for Transportation Security (OTS) sa ginawa nilang imbestigasyon sa dalawang insidente ng “tanim-bala” sa NAIA. Ito ay base lamang sa CCTV na hawak nila. Pero nakita sa CCTV na tumanggap nga ng pera ang isang security personnel sa paalis na Pilipinong babae na “nakitaan” ng dalawang pirasong kalibre 22 na bala sa bagahe. Kaya sinibak ang dalawang security dahil sa ginawa nila. Inamin din na may pagkukulang ang kanilang tauhan sa tamang proseso kapag may nakitang kontrabando sa bagahe.
Hindi nagkulang ang kanilang tauhan sa tamang pro-seso, dahil sila nga ang humingi ng suhol at tinanggap nila. Kung talagang tapat sila sa trabaho nila, dapat pinaalam ang insidente sa nakatataas na opisyal ng OTS. Kung wala silang planong mangikil, bakit hindi pinaalam sa mga opisyal? Dahil ba Pilipino at puwedeng pumalag? Kaya P500 lang, pwede na, kumpara sa Amerikano na pareho ang pinagdaanan pero P30,000 umano ang hiningi? Dahil ba dayuhan kaya mas madaling takutin at hingan ng mas malaking halaga? At maaaring wala ngang sindikato dahil kanya-kanya lang sila ng paghahanap ng oportunidad mambiktima ng pasahero, hindi ba?
Ayon pa sa OTS, wala raw ebidensiya na tauhan nila ang nagtanim ng bala. Baka sa labas daw naganap. Eh sino naman kaya ang magtatanim ng mga bala sa mga bagahe ng mga pasahero sa labas ng NAIA, na hindi kasabwat ang security sa loob? Ano pala ang pakay nila para magtanim ng bala? Para manggulo ng buhay lang? Lahat na lang ay napakahirap paniwalaan.
Wala raw ebidensiya, wala raw sindikato. Pero naglabas ng mga abiso at gabay ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para huwag maging biktima ng “tanim-bala”. Bantayan nang mabuti ang mga bagahe pagbaba pa lang sa paliparan. Kung may nagtatanim nga ng bala sa labas ng terminal, gawan ng paraan na lahat ng bulsa at zipper ng inyong bagahe ay hindi mabubuksan. Balutan ng tape, ng plastic, talian, lahat na. Gawin ang lahat para mahirapang buksan ang mga zipper at bulsa. Kapag ipinasok na sa X-ray, bantayan rin at kunin kaagad paglabas ng makina. Kung sabihin na may “nakita”, idemanda na huwag buksan ang bagahe hanggang may karagdagang opisyal na dumating na may dalang video camera para makunan lahat ng gagawin, at ipakita na rin sa pasahero sa x-ray monitor mismo ang kontrabando na nasa loob pa ng bagahe, kung meron man. Para talagang masabi na nasa loob ng bagahe at hindi kapag nabuksan na lang ay milagrong magkakalaman. Kailangan na talagang gawin ito at hindi magandang karanasan ang maakusahan ng krimen na hindi mo ginawa.
- Latest