‘Teknikalidad sa wiretapping’
HINDI na kailangan pang humingi ng panhintulot kaninuman ng sinumang indibidwal na pumitik sa anumang pangyayari na kaniyang masasaksihan sa mga pampublikong lugar.
Hinggil ito doon sa nangyaring pangongotong umano ng isang Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcer sa isang babaeng motorista nitong nakaraang dalawang lingo.
Ayon kay Chairman Francis Tolentino, ilegal ang ginawang pangbi-video ng drayber sa umano’y kotongerong enforcer dahil mayroon daw Wiretapping law.
Ipinupunto ni chairman, lumabag sa nasabing batas ang babaeng motorista dahil pasikreto niya raw na idinokumento ang kanilang transaksyon.
Para bang direktamente, gusto niyang sabihin sa pinarang drayber at sa lahat ng mga motorista sa lansangan, kung kukuha ng video sa kaniyang mga traffic enforcer, kinakailangan munang magpaalam doon sa subject. Kung sa ingles, dapat may disclaimer.
Ipaalam muna sa sinu-surveillance na siya ay idinu-dokumento at ipaunawang ilalabas ang video sa publiko unang-una na sa social media. Tsk..tsk!
Tama naman ang sinasabi ni Tolentino pati ng kaniyang abogado na may Wiretapping Law na dapat sundin. Pero, mali na pagtakpan ang kanilang mga tauhan sa pamamagitan ng mga legalidad at teknikalidad ng batas kahit na harap-harapang nakita ang kanilang mali at baluktot na aktibidades,
Nagdulot ng negatibong persepsyon sa mga mamamayan ang kontrobersyal na pahayag sa isyung ito ng kampo ni Tolentino.
Kaya ‘tserman, baka nakakalimot ka na naman, paalala lang, kapag nasa mga pampublikong lugar, kahit sino pwedeng pumitik at pwedeng mapitikan.
Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest