Mahalagang maibalik ang tiwala ng pasahero
MABABA raw ang morale ng Office for Transportation Security (OTS) dahil sa sunud-sunod na alegasyon ng katiwalian kung saan sangkot ang ilang security. Ito ay may kaugnayan sa lumantad na “tanim-bala” na modus operandi umano ng ilang security sa NAIA. Eh sino ang may kasalanan niyan? Sino ang dapat nilang sisihin? Sinibak na nga ang dalawang security sa insidenteng “tanim-bala” kung saan nadiskubre raw ang dalawang pirasong kalibre 22 na bala sa bagahe ng isang paalis na pasahero. Kita sa CCTV na nag-abot nga ng pera ang pasahero para “matapos” na lang ang kanyang problema.
Suspendido naman ang dalawang security na nakatagpo umano ng bala sa bagahe ng isang Amerikanong misyonaryo. Kasalukuyang iniimbestigahan ang insidente. Hindi pumayag sa hinihinging P30,000 ng mga security ang Amerikano, kaya siya nakulong ng limang araw. Handang kasuhan ng Amerikano ang dalawang tauhan ng OTS.
Wala talagang makapaniwala na may mga magpapasok o maglalabas ng isang piraso ng bala ng kalibre 22. May lokal na kompanya na gumagawa ng bala sa Pilipinas, kaya siguro naman hindi nagkaka-shortage kaya may mga nagpapasok na mula sa ibang bansa. At magdadala ng bala sa Amerika? Ang bansang napakatindi ng kultura ng baril, na nakasaad pa sa kanilang Saligang Batas? At bakit ba palaging kalibre 22 ang “natatagpuan”? Dito pa lang matatawa ka na. Ang pinakamurang bala pa ang tinatangkang ipasok o ilabas ng bansa?
Kung gusto ng OTS na tumaas ang morale sa kanilang organisasyon, sila lang ang makagagawa niyan. Dapat isiwalat ng mga tapat at marangal na empleyado ang mga sangkot sa scam na ito at tanggalin sa trabaho, kasuhan na rin. Hindi maliit na bagay ang maakusa ng pagdadala ng bala. Puwedeng masira ang buhay mo dahil lang sa isang pirasong bala na baka wala pang P10 ang halaga. Kaya napakahirap paniwalaan talaga ang mga “nadidiskubre” ng ilang OTS. Paano pala kung atakehin sa puso ang mga binibiktima ng mga kawatan, tulad ng babaing naka-wheelchair? Dahil sa mga rebelasyong ito ng katiwalian sa NAIA, nangangamba na ang maraming pasahero kung sila ang susunod na magiging biktima. Mas mahalagang maibalik ang tiwala ng mga pasahero.Wala nang mas mahalaga pa diyan.
- Latest