Problema ng mga paaralan ngayon
KUNG maghihigpit na ang HPG sa mga tricycle at pedicab na dumadaan sa EDSA, maghihigpit na rin daw sila sa mga pumaparada sa Ortigas Ave. Ito ang mga sasakyan na sumusundo sa mga mag-aaral sa La Salle Greenhills. Mistulang parking lot nga ang Ortigas kapag palapit na ang labasan ng mga mag-aaral. At dahil hindi naman talaga ito paradahan ng sasakyan, nagiging sanhi ng matinding trapik sa lugar sa mga oras na iyon.
Makikita natin kung talagang mapapatupad ng PNP-HPG ang bagong patakarang ito sa Ortigas Ave. Karamihan sa mga nag-aaral sa La Salle ay anak ng mga maimpluwensiya at mayayamang magulang. Kapag mahigpit na ipinatupad na ang paghuli at paghila sa mga sasakyan na pasaway pa ring paparada sa Ortigas, sigurado may magagalit diyan, sigurado may aangal diyan, sigurado lalabas ang mga padrino at kilala diyan.
Ito nga ang nagiging problema ngayon ng mga lugar kung saan may mga paaralan. Parami nang parami taun-taon ang bilang ng mga mag-aaral, pero hindi naman lumalaki ang kanilang campus, o hindi naman nadadagdagan ang mga paradahan nito. Hindi ko nga alam kung ano ang gagawin ng La Salle kapag ipinatupad na ang “no parking” sa Ortigas. Hindi naman puwedeng hindi masundo ang mga bata, lalo na kapag umuulan. Dapat may plano na ang La Salle at HPG kung paano ang magiging daloy ng trapik ng mga sumusundong sasakyan.
Baka isa sa mga solusyon ay ang school service. Karaniwan ay isang mag-aaral lang ang sakay ng bawat sasakyang sumusundo sa mga paaralan. Kumpara mo sa school service na marami ang sakay. Kaya kung 16 na bata ang masasakay ng school service, 16 na sasakyan ang nabawas na sa kalsada. Alam ko noong araw ay uso ang school bus. Ngayon, parang wala na akong nakikita. Ang naging daing ng ilang mga kaibigan ko ay kapag malayo ang kanilang tahanan sa paaralan, mga anak nila ang unang nasusundo papasok at huling nahahatid pauwi, kaya laging pagod ang mga bata.
Ito ang mga perwisyong dulot ng trapik. Kaya lahat ng maaaring solusyon ay sinusubukan na ng HPG. Sang-ayon ako sa pagbawal ng mga tricycle at pedicab, hindi lang sana sa EDSA kundi sa iba pang mga pangunahing kalsada tulad ng Quezon Ave., Katipunan at Aurora. Sang-ayon din ako na ipagbawal na ang pagparada ng mga sasakyan sa Ortigas, partikular ang pagsakop nila ng tatlo o apat pa ngang lane ng kalsada. Pero kailangan may solusyon din para sa mga sumusundo ng mga bata.
- Latest