Walang placement fee sa New Zealand
ANG New Zealand ay demokratikong bansa na migrant workers friendly. Ang mga banyagang nagtatrabaho sa bansang ito ay hindi nagiging biktima ng pagmamalupit ng employers na kabaliktaran sa malulupit na employers sa Middle East.
Bukod sa maganda ang working conditions sa mga kumpanya at maging sa individual domestic employers, halos walang naiuulat na pagmamalupit ang mga employer sa kanilang migrant worker tulad ng OFWs.
Lalong gumanda ang working condition dahil kamakailan ay pumirma sa isang kasunduan ang Pilipinas sa pamamagitan ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz at ang New Zealand government na lalong pabor sa mga OFW dahil binibigyan sila ng proteksiyon mula sa human traffickers.
Ang pinirmahang kasunduan ay tinawag na “Arrangement on the Principles and Controls on the Recruitment and Protection of Filipino Workers in New Zealand.”
Ang pangunahing ipatutupad ng kasunduan ay ang no placement fee sa gustong magtrabaho sa nasabing bansa. Kahit white collar job o blue collar job man ay walang sisingiling placement fee sa gustong mag-OFW.
Malaking kagaanan ito sa gustong maging OFW sa New Zealand dahil ang iba nating kababayan para lamang mabayaran ang mahal na placement fee sa mga gahamang ahensiya na ubod nang laki ang hinihingi kaya napipilitang magsangla ng bukid o magbenta ng kalabaw.
Sa ilalim ng kasunduan, ipu-prosecute din ang illegal recruiters at human traffickers for document fraud at iba pang recruitment anomalies.
Gagawin lahat ng Pilipinas at New Zealand ang paraan para hindi makapambiktima ang mga pekeng recruitment agency.
Tandaan ninyo, kapag nilapitan kayo ng recruiter at mangangako sila ng magandang trabaho sa New Zealand ngunit may babayaran kayong placement fee, iyon ay palatandaan na sila ay huwad.
Isumbong agad sila sa mga otoridad. Lahat nang mga legal na trabaho sa New Zealand ay daraan sa Philippine Overseas Employment Administration. Sa kanila ibibigay ang job order para sa mga manggagawang kailangan nila sa New Zealand.
- Latest