Ang problema sa mga survey
ANG problema sa mga political surveys tulad ng ginagawa ng Social Weather Station (SWS), Pulse Asia at iba pa ay, nagagamit ito sa trending. Kinukondisyon ang isip ng tao kung sino ang dapat iboto sa darating na eleksyon.
Sa pinakahuling surevey ng SWS, lumilitaw na number one pa rin si Sen. Grace Poe at naungusan na ni Mar Roxas sa ikalawang puwesto si Vice President Binay sa mga inaakala ng tao na papalit kay Presidente Noynoy sa 2016.
Sa nakalipas na ilang buwan ay palaging numero uno si Poe at ito ay tanggap naman ng Liberal Party na naniniwala na makakabawi si Roxas sa dakong huli. At tila nga umaangat ang rating ni Roxas dahil naungusan na nang malaki si Binay na dating frontrunner pagdating sa mga survey.
Para sa isang political analyst na propesor sa University of Sto. Tomas, walang saysay ang survey dahil hindi itinanong sa mga kinausap kung sino ang pinapaboran nila na maging presidente sa 2016. Ayon kay Prof. Edmund Tayao, ang tanging tanong sa mga respondents ay kung sinong tatlong kandidato ang inaakala nilang puwedeng pumalit sa Pangulo. Kaya kahit si VP Binay mismo ay nagsabing hindi siya nababahala sa tila pagbaba ng kanyang rating.
Madalas, ang mga surveys ay ipinagagawa ng mga kandidato mismo. May mga makatotohanang survey at mayroon din namang ginamitan ng sistema para lumabas na pabor sa nagpagawa ng survey ang resulta.
Hindi naman puwedeng hindi ilathala sa pahayagan at ibrodkas sa radyo at telebisyon ang resulta ng survey lalu pa’t ito ay isinagawa ng mga prestihiyoso o kilalang organisasyon. Ang problema, tulad ng nasabi ko na, ito ay kumukondisyon sa isip ng tao at nagkakaroon ng bandwagon effect para sila ay pumanig sa kandidatong pinalalabas na nangunguna.
Dapat siguro ay maging for private use na lang ng mga politiko ang ganyang mga surveys at huwag na munang ilathala. Kaso, ang politiko mismo ang nagpapa-press release kapag ang resulta ay pabor sa kanila. Kaya dapat ay para lamang sa reference ng mga kumakandidato ang mga surveys para malaman kung ano’ng estratihiya ang gagawin nila upang umangat ang rating sa taumbayan.
- Latest