“Mga pulang uling”
(Unang Bahagi)
MAY MGA TAONG subsob sa tungkulin upang mapasaya lamang ang kanilang ‘amo’. Gagampanan at gagawin ang lahat upang maipakitang tapat sila kahit na magalit pa ang iba sa kanila.
Parang nakagapos ang mga kamay ng pagtatagain ang kanyang buong katawan. Pilitin man niyang lumaban hindi kaya ng payat niyang mga bisig.
“Dalawang taon na ang nakakaraan. Minumulto kami ng kapatid ko dahil hanggang ngayon hindi pa namin nakukuha ang hustisya para sa kanya,” ayon kay Emil.
Isang buto’t balat na katawan sa damuhan, puno ng saksak sa likod, dibdib at ulo. Ang kanyang ulo ay halos matanggal sa pinagkakakabitan sa lalim ng pagkakagilit.
Mulat ang mata at wala ng buhay. Ganito natagpuan ng pamilya nina Emilio “Emil” Yba?ez ang bunsong kapatid na si Pedro.
“Binantaan na siya dati. Binalewala niya dahil wala naman daw siyang ginagawang masama. Hindi namin alam na ganito ang kahihinatnan niya,” pahayag ni Emil.
Kwento ni Emil nagtungo raw sa ulingan si Pedro kasama ang asawa noong Hunyo 6, 2013. Nadatnan nila ang mga nakaalitan nito na sina Bert Soriano, John Mark Llaya at Junnard Padrona.
“Inilalayo na siya ng kanyang misis dahil nga mainit ang mga mata ng mga ito sa kanya. Sabi ng kapatid ko ayos lang daw siya dahil wala naman siyang ginagawang masama. Umuwi na ang asawa niya,” sabi ni Emil.
Kinagabihan hindi umuwi si Pedro sa kanila. Inakala nilang nasa ulingan pa ito kaya pinuntahan nila pero wala doon. Kinabukasan natagpuan na nila ang bangkay ni Pedro.
Ayon sa salaysay ni Benida Yba?ez asawa ni Pedro na ibinigay kay SPO1 Victor Creus noong ika-19 ng Hunyo 2013 sa Tuy Municipal Police Station, inirereklamo niya ng kasong “Murder” sina John Mark Llaya @Nonoy, Bert Soriano @ Dodoy at Junnard Padro?a.
Nakatira umano ang mga ito sa isang kubo na nasasakupan ng lupa ni Tomas Causapin malapit sa kanilang bahay. Sa kanyang pagkakaalam mga tauhan umano ni Tomas ang tatlo.
“Sila lang ang mga tao sa lugar kung saan pinatay ang asawa ko ilang oras bago mangyari ang krimen. Sila rin ang nakita ko sa lugar na yun bandang alas 6:15 ng hapon ng ikaanim ng Hunyo 2013,” pahayag ni Benida.
Kwento niya ika-lima ng Hunyo 2013 bandang alas singko ng hapon ay sumunod siya sa kanyang asawa sa pinag-uulingan nito. Nakita niyang nagunguha ng kahoy sina Junnard, Bert at John Mark. Hanggang sa umuwi sila ng mister ay nandun pa rin ang tatlo.
Bandang alas siyete ng umaga ng ika-anim ng Hunyo 2013 nagkaroon ng pagtatalo si Pedro at si Sonia Causapin sa harap ni Junnard. Pagdating ng alas siyete y medya umalis sila ng kanyang asawa papunta sa pinag-uulingan nila.
“Nandoon ulit ang tatlo na may mga dalang itak. Sinaway sila ng asawa ko sa pangangahoy at pagpunta sa lugar na yun,” ayon kay Benida.
Pinagmumura ni John Mark si Pedro at nagtawanan pa raw ang tatlo na iniinsulto ang kanyang mister. Mula nun ay nakikita niya na raw na masama ang tingin ng tatlo sa kanyang mister na para bang may balak itong masama.
Bandang tanghali ng sawayin ulit ni Pedro ang tatlo ngunit sinigawan pa raw ito ni John Mark sa wikang bisaya na ang ibig sabihin ay “Magtigil ka at wala kang pakialam sa gusto naming gawin at kapag hindi ka tumigil sa pakikialam sa amin ay tatagain ka namin.”
Nakaramdam ng takot si Benida dahil mukha raw seryoso na ang tatlo sa mga banta nito. Niyaya niyang umuwi na muna sila para mananghalian. Bago pa man daw nila lisanin ang lugar ay binantaan si Pedro na huwag muna siyang babalik doon hangga’t naroon sila sapagkat kapag hindi sila nakapagpigil ay tatagain nila ang asawa ko.
“Bandang alas tres ng hapon ay hindi ko na napigilan ang asawa ko na bumalik sa pinag-uulingan. Kakausapin niya raw ang tatlo,” salaysay ni Benida.
Sasabihin daw nito sa tatlo na bawal ang ginagawang pangangahoy sapagkat pribado itong lupa na pag-aari ni Iris Lopena kung saan katiwala siya. Pipilitin niya daw na umalis ang tatlo dahil napupuno na siya sa mga ito.
Alas sais ng gabi hindi pa umuuwi ang kanyang asawa kaya kinutuban siya ng masama. Natanaw niya si Sonia Causapin na humahangos papauwi galing sa pinag-uulingan ng kanyang asawa.
Kasunod ni Sonia sina John Mark, Bert at Junnard dala-dala ang kanilang mga itak.
“Alas siyete na hindi pa umuuwi ang mister ko. Nabalisa na ako. Napagpasyahan namin na hanapin na siya. Ang anak kong si Jerry ang kasama ko at nagpatulong kami sa barangay,” ayon kay Benida.
Sumapit na ang alas onse ay hindi pa nila nakikita si Pedro kaya’t nagsi-uwian na ang mga naghahanap.
Bandang alas sais kinabukasan ay muli silang naghanap. Alas siyete y medya ay natagpuan ang katawan ni Pedro malapit sa lugar ng pinagtalunan ng tatlo na may iba’t-ibang tama ng taga sa katawan.
“Sigurado akong sila ang tumaga sa aking asawa dahil hindi naman pangkaraniwan na may pupunta sa lugar na yun. Sila lang ang nakita kong naroon bago natagpuang patay ang aking asawa.”
Iniisip ni Benida na nagalit ang mga ito sa ginawang pananaway ni Pedro sa pangangahoy sa binabantayang lupa. Maaari rin daw na may nag-utos sa mga ito sapagkat maraming naiinggit at nagagalit kay Pedro sa pagiging katiwala ni Iris. Ilan sa mga ito ay sina Sonia at Tomas.
Dati na rin daw binantaan ni Tomas si Pedro. Personal niya raw kilala sina John Mark, Bert at Junnard sapagkat hindi naman kalayuan ang tintirhan nito sa kanila.
“Sa tuwing may okasyon sa bahay ay nagpupunta sila pero nung iburol ang mister ko wala sila,” sabi ni Benida.
Hindi raw siya kaagad nakapagbigay ng salaysay sapagkat inasikaso muna nilang ihatid sa huling hantungan ang mister. Lumipat din daw muna sila ng tirahan para na rin sa kanilang kaligtasan.
Maliban kay Benida may nagbigay pa ng pahayag na nakita niya ang mga akusado na tumatakbong duguan ang suot na damit.
ABANGAN sa MIYERKULES ang ibang detalye tungkol sa pagkamatay ni Pedro. EKSLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7104038
- Latest