‘Pulitika at pamumulitika’
PURO pulitika at pamumulitika na ang laman ng mga balita sa telebisyon, radyo, diyaryo maging sa mga social networking site.
Bawat nag-aambisyon at naghahangad ng pwesto sa gobyerno sa susunod na taon, kaniya-kaniya ng balim-bingan at pagpo-posisyon.
May mga nagdeklara na ng kandidatura, ang ilan namamaga na ang mukha sa harap ng mikropono at kamera pero ayaw pa ring tanggapin ng tao. Mayroong naninimbang pa raw bago sumama sa nanliligaw na partido at mayroon namang kuntodo tangging tumakbo pero gusto ng tao.
Wala namang masama sa mga balitang ito. Subalit, hindi dapat dito matuon ang pansin ni Juan at Juana Dela Cruz. Baka kasi natutsubibo na ang publiko sa mga pangakong binibitiwan ng mga TL (tulo-laway) sa puwesto at nakakalimutan na ang mga totoong problema at isyu.
Lahat nang ito, iisa ang pinupunto. Dapat ang susunod na mamumuno sa bansa may maayos na pamamalakad sa gobyerno, may maayos na pangangasiwa sa pananalapi, tapat at walang itinatago o transparent ang pamumuno at may pananagutan sa taumbayan. Higit sa lahat may katangian ng isang totoong lider.
Hindi ‘yung puro palabra lang, wala namang naipaki-kitang resulta. Hindi nga kurakot, pero nadidiktahan naman ng partido. Lumalabas, wala siyang paninindigan dahil ang nagdedesisyon para sa kanya, mga nakapaikot na ‘katsokaran.’
Sana natuto na ang taumbayan sa mga nararanasang perwisyo, kapalpakan at kapabayaan ngayon sa bansa. Anuman ang ating magiging desisyon at aksyon, may kahihinatnang kapalaran.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest