“Tsubibong Peryahan”
ANG BUHAY ay parang isang Tsubibo na sasakay ka dito na di mo malaman kung saan nagsimula at nagtatapos. Ikot nang ikot ito at hindi hihinto hangga’t hindi ka lumundag upang makababa dito.
Ikalabing dalawa ng Nobyembre 2012 nang isanla kay Danilo Herrera o mas kilala sa tawag na “Sonny” ang isang Toyota Altis.
Isang kaibigan ang nagpakilala kay Editha Siasat na nagsanla ng sasakyan sa kanya.
Naging maganda ang kanilang usapan at mismong ito pa kasama ng kanyang taga-maneho ang nagdala ng sasakyan sa bahay ng kaibigan.
“Ang pakilala niya sa ganito daw siya kumikita. Sa pagsasanla ng iba’t-ibang uri ng sasakyan,” ayon kay Sonny.
Nang gabing yun nakuha niya ang sasakyan kapalit ng Php150,000 bilang halaga ng pagsasanla nito.
Ang sabi pa sa kanya ni Editha may interes daw itong 3% bawat buwan. Nagtiwala si Sonny dahil mukha namang matinong tao ang kanyang kausap.
Ilang buwan ang nagdaan, walang interes na natatanggap si Sonny.
Nang ginagamit ni Sonny ang sasakyan may problema ang bintana nito. Ayon kay Editha ipagawa niya ito at itabi na lamang ang resibo para mabayaran kay Sonny.
“Katuwang ko ang kaibigan ko sa pakikipag-usap sa kanya. Ito din naman ang naging dahilan kung bakit ko siya nakilala,” salaysay ni Sonny.
Isang araw hinihiram ni Editha ang sasakyan dahil mapapaso na ang pagkakarehistro nito. Papalitan na lamang nito ng ibang unit ang Toyota Altis bilang prenda.
Kinuha nito ang sasakyan ngunit wala namang ipinalit. Makalipas ang ilang araw mismong si Sonny na ang nagtungo sa bahay nito sa Novaliches.
“May iniabot sa aking tatlong tseke ang kanyang pinag-iwanan. Nagkakahalaga ng Php50,000 bawat isa. Php200,000 lahat ang kabuuang halaga nito,” ayon kay Sonny.
Natuwa si Sonny dahil babalik na sa kanya ang pera. Hinintay niyang dumating ang petsang nakasulat sa tseke.
Marso 2013 agad siyang nagpunta sa Allied Savings Bank sa Zabarte para mapa-encash ang tseke.
Sa halip na pera ang ibinigay sa kanya sinabihan siya ng teller ng bangko na ‘Account Closed’ na daw ito.
“Sinubukan ko ang isang tseke na ipa-encash malapit sa amin pero ganun din ang kinalabasan,” wika ni Sonny.
Sa apat na tsekeng ibinigay ni Editha ang isa ay ‘Drawn Against Insufficient Fund’ (DAIF) habang ang tatlo ay Account Closed.
Kinutuban na ng masama sina Sonny kaya’t gumawa na sila ng legal na hakbang. Nagtungo sila sa isang abogado upang humingi ng payo. Ipinaalam sa kanila na maaari silang magsampa ng kasong “BP22”.
Humingi ng tulong si Sonny sa kanyang kaibigan na si Wilson Salvador upang maibigay ang demand letter kay Editha.
Unang nagtungo si Wilson sa bahay nito sa Novaliches, Quezon City noong ikadalawa ng Hunyo 2013. Wala si Editha nung mga panahong yun. Ayon sa mga kapitbahay na nakausap ni Wilson hindi na daw naglalagi doon si Editha dahil maraming tao na ang naghahanap sa kanya.
Sumunod na pumunta sa isang address ni Editha si Wilson sa San Bartolome, Quezon City. Wala rin ito doon. Maging ang kanyang mga kapitbahay umano ay nabiktima nito sa hindi pagbibigay ng pinagbentahan ng sasakyan.
Ibinigay ni Wilson ang demand letter ni Sonny sa ina ni Editha na si Purificacion Santos. May katibayan silang pinirmahan nito na natanggap nga niya ang sulat.
Nang hindi sumasagot si Editha sa demand letter itinuloy na nina Sonny ang pagsasampa ng ‘four counts’ ng Batas Pambansa bilang 22 o ang BP22.
“Nagkaroon kami ng ilang pagdinig sa Quezon City Court. Isang beses lang dumating ang kanyang abogado pero si Editha hindi talaga nagpakita,” sabi ni Sonny.
Nangako ang abogado nitong kakausapin ang kanyang kliyente ngunit wala namang nangyari.
Nagpasya na ang Hukom ng Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 31 na maglabas ng resolusyon tungkol sa usaping ito. Dahil walang ibinigay na kontra-salaysay si Editha pumanig kay Sonny ang naging resolusyon.
Nang muling mag-follow up si Sonny binigyan na siya ng kopya ng warrant of arrest laban kay Editha. Pirmado ito ni Presiding Judge Maria Giline Pangilinan.
Tatlong libong piso ang piyansa sa bawat isang kaso.
“Naghanap na din kami ng litrato ni Editha at sa Land Transportation Office (LTO) kami nakakuha ng kopya ng kanyang lisensiya,” sabi ni Sonny.
Sa kagustuhang maibalik sa kanya ang pera at mabigyan ng katarungan ang panlolokong ito ni Editha pumasyal sila sa bahay nito kasama ang isang pulis.
Ayon sa kanyang nakausap umalis na doon si Editha may ilang araw nang nakakalipas. Halos mawalan ng pag-asa si Sonny dahil hindi naman niya alam kung paano mahahanap ang taong ito.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kapag paisa isa lang ang nagrereklamo madali lang na makakapagpiyansa si Editha at magagawa niya uli ang kanyang modus.
May nababanggit si Sonny na may mga kapitbahay na nagrereklamo laban sa kanya na umano’y hindi ibinigay ang pinagbentahan ng sasakyan sa may-ari.
Mas magandang tipunin nila ito at kapag nakabuo sila sa tatlo o higit pang indibidwal na handang magsampa ng kaso laban kay Editha, maaari na silang magsampa ng kasong ‘Large Scale Swindling’. Walang piyansa ito at maiiwan siya sa bilangguan hanggang sa matapos ang paglilitis.
Kaya lumalakas ang loob ng ibang tao ay dahil kapag nabayaran na sila tinatamad na silang ituloy ang kaso. Mauulit na naman to. Dapat matuldukan ang ganitong masamang gawain at mabulok sa selda ang mga taong katulad ni Editha kapag napatunayan na nagkasala siya.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618
- Latest