Lower tax ‘dedo’ na
NOONG araw, mukhang kumbinsido si Presidente Noynoy sa panukalang batas ng ilang Kongresista sa Senado at Mababang Kapulungan na bawasan ang buwis ng mga ordinaryong mamamayan at ng mga korporasyon. Akala ng marami, plantsado na ito hanggang sa hinarang ni Finance Secretary Cesar Purisima.
Nag-iba na ng linya ng Pangulo. Aniya, hindi siya kumbinsidong mabuti ang bill na ito dahil babagsak ang ating credit rating sa mga bansang nagpapautang.
Huwag munang kuwestyonin ang merito ng bill, pero siyempre, walang pasubaling gustong-gusto ito ng mga ordinaryong taumbayan porke mabibigyan sila ng kaluwagan at maski papaano’y may dagdag na pera sa kanilang bulsa.
Kaya sa tahasang pagsalungat ng Pangulo sa panukalang isinusulong nina Rep. Miro Quimbo at Senador Sonny Angara, malamang maaasar ang taumbayan at makaapekto ito sa kandidato ng administrasyon sa pagka-pangulo sa katauhan ni Mar Roxas. Sigurado ring sasakay sa isyu ang ibang presidential candidate sa 2016 elections.
Si Vice President Jejomar Binay ay nagpahayag ng suporta sa mas mababang income tax. May campaign pitch na siya hindi ba? Sabi pa ni Binay, pag-iibayuhin niya ang paglikha ng trabaho at palalawakin ang social services. Ani Binay, dapat patas ang umiiral na tax system at dapat mas mataas ang bayarang buwis ng mga sumusuweldo ng malaki kaysa sa mga maliliit ang suweldo.
Sasabihin siguro ng iba na ito’y “pangakong politiko lang.” Sabihin na nating ganoon nga pero may malaking impact iyan sa isip ng mga mamamayan lalu na yung mga matagal nang nagtitiis sa hirap.
Nasisiguro ko na kahit tayo mismo ang maglibut-libot at magtanong sa taumbayan, walang matutuwa sa tahasang pagtutol ngayon ni Presidente Aquino sa panukalang bawasan ang buwis. Ang hirap kasi, ang kakulangan ng gobyerno sa paniningil ng buwis ay sa taumbayan binabawi. Tulad na lamang sa bilyong halaga taun-taon na nawawala sa kaban ng bayan dahil sa smuggling at tax evasion. Tayo nga ang may pinakamataas na buwis sa Asia pero kakatwa na tayo ang may pinakabababang revenue collection. Ang lohika kasi ng tax reform measure ay pababain ang tax para maging abot kaya ng lahat at wala nang mandaraya sa buwis lalu na sa mga negosyante.
- Latest