Trapik? Daming solusyon kung tayo’y mag-iisip
KUNG mababawasan ang mga nagsisilabas na tao sa mga lansangan, liliit din ang volume ng mga sasakyang nagpapasikip sa daloy ng trapiko.
Napag-usapan na natin kamakailan ang pagpapatupad ng 4-day work week na isa sa pinapaboran kong epektibong solusyon sa problema. Subukan pa nating umisip ng ibang alternatibo. Sa tinatawag na cyber age, kahit hindi ka umalis ay may klase ng trabaho na puwedeng gawin sa bahay o kung saan ka naroroon. Halimbawa, kung manunulat ka o editor sa isang publishing company tulad ng diyaryo, puwede mong gawin ang trabaho mo sa bahay basta’t naka-linkup ka lang sa server ng iyong opisina.
Puwede rin sigurong gawin ito sa mga banko partikular sa mga accountants. Umisip lang ng paraan para magkaroon ng rotation na magtotoka kung anong araw papasok o hindi ang mga empleyado. Halinhinan para wala namang lugi. Gayundin sa mga advertising agency lalu na sa mga copywriters at mga artist na puwedeng gumawa ng mga designs at project proposals sa bahay na ipadadala na lang sa internet.
Hindi lahat ay puwedeng saklawin ng ganitong sistema. May iba na kailangan ang physical presence sa opisina tulad ng mga nagpapatakbo ng makina. Maaari na ring magdaos ng board meeting ang mga executives ng kompanya sa pamamagitan ng teleconferencing. Iyan, pati na ang mga dating sistemang ipinatutupad na gaya ng number-coding, pag-aalis ng mga sagabal sa kalye at paghuli sa mga colorum public utility vehicles ay siguradong magpapaluwag sa trapiko.
Isa pang hakbang na pinag-aaralan ng Malacanang ay ang panukala ni PNP-Highway Patrol Group (HPG) na magkaroon ng batas hinggil sa “no garage, no car policy”. Korek na korek din iyan. Napakadaling bumili ng kotse ngayon basta’t may pang-down ka lang. Ang problema ay may pagpaparadahan ka ba ng kotseng mabibili mo?
Kapansin-pansin kasi ng maraming mga kotse ang ipina-park lang sa harap ng bahay sa mismong lansangan at malaking problema ito lalu pa’t nagkaroon ng double parking.
“Sa ganitong paraan, mababawasan ang pagsikip ng kalsada upang bumilis ang daloy ng trapik.
- Latest