Francis bakit sinimplehan ang annulment ng kasal
“ANG pinagsama nga ng Diyos, ay huwag papaghiwalayin ng tao.” -- Mark 10:9. Tinatakda ng sipi na ‘yan sa Bagong Tipan ang nagbabawal ng diborsiyo sa mga Katoliko. Pero pumapayag ang Simbahan sa annulment, o pagpapawalambisa sa kasal, Ito’y sa mga katangi-tanging sitwasyon lamang: halimbawa, ayaw makipagtalik ng asawa dahil nais ay same sex. At bagama’t maari ang annulment, mahirap at mahal ito. Inaabot nang ilang taon, sa kabayarang P100,000-pataas. Dahil doon, sinasabing para sa mayaman at malakas lang ang annulment.
Nitong linggo binago ni Pope Francis ang libong-taon nang mga patakaran sa annulment. Sinimplehan niya ang proseso: wala nang second review ng isang kleriko bago mag-annul ng kasal. At hinahayaan na niya ang mga obispo -- hindi na kailangang Vatican pa -- na mag-annul dahil sa pangangaliwa o pang-aabusong sexual ng asawa. Ginawa na itong libre, maliban sa nominal fees para sa munting gastusin sa papel o komunikasyon. At kailangan matapos sa loob lamang ng 45 araw.
Bawal magbigay ng Komunyon sa maghiwalay na asawa. Pero kapag annuled ay maari muling mag-Komunyon. At kapag pinadali ang proseso, madaling makakapagbalik-loob sa Diyos.
Nauna sa pagpapadali ng annulment, dalawang kakaibang reporma ang nilatag ni Francis. Una, pinayagan niyang mag-Komunyon ang mga nagsisiping lang, o hindi kasal na couples. Tapos, pinahihintulutan niya ang mga pari -- hindi na kailangang obispo pa -- ang mag-absuwelto sa mga nagkumpisal na nagpalaglag o abort ng sanggol. Ito’y para makapag-Komunyon din ang nagkasala.
Mapapansin na ang pakay ni Francis sa mga pagbabago ay ang pagbabalik-loob sa pamamagitan ng Komunyon. Tinuturing ng mga Katoliko na himala ang pagsalin ng tinapay at alak sa Katawan at Dugo ni Kristo. Natatangi sa kanila at Orthodox Christians ang sampalatayang ito. Sakramento ng pagkabuhay at pagkamatay ang Komunyon.
- Latest