EDITORYAL – Pangunahan ng gov’t ang pagtitipid sa tubig
NAKAAMBA na ang El Niño kaya nagpaalala ang gobyerno sa mamamayan na magtipid na sa paggamit ng tubig. Tatama ang El Niño sa bansa ngayong Setyembre na aabot hanggang sa unang bahagi ng 2016.
Sabi ni Communications Secretary Sonny Coloma, nararamdaman na ang parating na tagtuyot kaya kailangan ang pagtitipid sa paggamit ng tubig. Nakahanda na umano ang gobyerno at maraming options ang pinag-aaralan. Sinabi pa ni Coloma na hindi dapat mabahala ang mamamayan sa pagtama ng El Niño sapagkat nakahanda naman ang pamahalaan. Walang dapat ipag-alala ang mamamayan sapagkat sapat naman ang pagkain.
Madali namang paalalahanan ang mamamayan at susunod sila sa utos na magtipid sa paggamit ng tubig. Ang kailangan lamang ay magpakita ang pamahalaan ng halimbawa sa pagtitipid. Mas mahihikayat ang mamamayan kung makikita nila na mayroong ginagawa ang pamahalaan para makapagtipid hindi lamang sa tubig kundi pati na rin sa kuryente.
Ipag-utos ng Malacañang sa mga tanggapan ng gobyerno na magtipid sa tubig ang mga empleado. Ayusin ang mga tubong may leak. Karaniwan nang makikita sa mga tanggapan ng gobyerno na walang tigil ang pagtulo ng tubig sa mga gripo sapagkat sira ang mga ito. Umaapaw na ang mga nakasahod na drum at timba pero walang empleado na nagkukusang isara ang gripo.
Ipagbawal din sa mga opisyal ng gobyerno ang walang taros na paggamit ng tubig para sa paglilinis ng sasakyan. Karaniwang ang mga taong gobyerno na nag-aari nang maraming sasakyan ay araw-araw na naglilinis ng sasakyan. Gaano karaming drum ng tubig ang naaaksaya sa paglilinis ng mga mamahaling SUV?
Hinay-hinay din ang mga taong gobyerno sa pagdidilig ng kanilang imported orchids at iba pang mamahaling halaman. Pagbawalan din ang mga mayayamang taga-gobyerno sa madalas na pagpapalit ng tubig sa kanilang swimming pool.
Manguna ang gobyerno sa pagpapakita ng halimbawa sa pagtitipid para gayahin ng mamamayan. Ipakita ang kaseryosohan at hindi ang ningas-kugon na pagtitipid.
- Latest