‘Ano na nangyari sa kaso ni Ed?’ (Pangalawang bahagi)
Hindi kumbisido ang pamilya ng biktima na pagnanakaw lamang ang motibo sa brutal na pagkamatay ng kanilang anak. Naghahanap pa sila ng ilang impormasyon para mas maging malinaw sa kanila ang kasong ito.
Itinampok namin noong nakaraang MIYERKULES ang kwento ng brutal na pagpatay sa may-ari ng Tech Support Global (TSG) na si Edralin ‘Ed’ Adriano.
Mismong sina Ronnie Moreno amain ni Ed at ina na si Editha ang humingi ng aming tulong.
Nilooban si Ed at kinuha ang mamamahaling gamit tulad ng laptops at cellphones ganun din ang kanyang sasakyang Alterra SUV. Halos basag ang bungo nito nang matagpuang nakahandusay sa sariling kama.
Nagkaroon ng imbestigasyon ang mga pulis at isang pangalan ang itinuturo ng mga testigo na may kagagawan ng krimen si Ricardo ‘Rek-rek Robles. Sinampahan ito ng Robbery with Homicide, Carnapping under RA 6539 or the Anti-Carnapping Act of 1972 as amended by RA 7659 at Violation of Presidential Decree No. 1866 as amended by RA 8294.
Matapos magbigay ng pahayag ang ilang testigo lumutang si Jonathan “Kulet” Bolima na kapitbahay ni Ed.
“Siya raw ang huling nakausap ni Ed nung gabi. Nakita niya raw umuwi itong may kasama,” ayon kay Ronnie.
Ayon sa salaysay ni Kulet nag-iinuman daw sila nun ng kanyang mga kaibigan. Una sa isang bahay ng kaibigan at pagkatapos ay lilipat sa kabila. Nang makauwi siya sa kanila bumili pa siya ng beer sa tindahan at nakita niya si Ed. Kinausap niya ito.
“Kelan namin tatabasin ang puno?” tanong ni Kulet.
“Bukas na ng umaga,” sagot ni Ed.
Kinabukasan bandang 9:30 ng umaga nang humingi ng tulong si Ronnie sa kanya dahil kinukutuban ang mga ito na may pumasok sa bahay ni Ed.
Hindi raw magkatugma ang sinabi ni Kulet sa mga pulis kaysa sa ikinwento nito kay Ronnie.
“Binati niya raw si Ed at napansin nitong lasing na naman siya. May nakapagkwento sa akin na naglalako ng mani at ayon sa kanya nagwawala raw si Kulet ng gabing yun,” salaysay ni Ronnie.
Naisip din ni Ronnie na kung sakaling nag-iinuman sila ng mga panahong yun imposibleng hindi nila makita kung may nangyayaring hindi maganda sa bahay ng anak.
“May nakaaway akong dalawa kong kainuman kaya ako nagwawala ng panahong yun,” sagot ni Kulet.
Habang nasa punerarya sina Ronnie ay dumating daw itong si Kulet at ipinaalam nito na nakita na ang sasakyan ni Ed. Hindi raw alam ng mga pulis ang numero nina Ronnie kaya’t siya ang tinawagan.
Dalawang araw daw itong nakaparada sa may gulayan at ini-report ng may-ari dahil ayaw niyang may nakaistambay na sasakyan doon. Limang minuto lang ang biyahe mula sa pinangyarihan ng krimen.
May mga nawala na rin sa sasakyan tulad ng built-in iPod, resibo at tanging ‘post paid sim card’ na lang ang natira.
Upang mas maging malinaw para kina Ronnie ang nangyaring pagpatay kay Ed sila mismo ang naghanap ng ebidensiya tungkol sa insidente na dapat ay mga pulis ang gumagawa.
Nakakuha sila ng tatlong ‘video clips’ mula sa Closed-Circuit Television (CCTV). Ang dalawa ay kuha sa ‘entrance’ mg San Antonio Valley XVII, sa guard house malapit sa bahay ni Ed.
Sa CCTV ganap na 12:03AM nakitang pumasok sa subdivision ang kulay puting Isuzu Altera may plakang UIE737 ni Ed. Magdadalawang oras ang lumipas, ganap na 1:50AM mabilis na lumabas ang sasakyan.
Sa isang video clip mula sa CCTV ng Admiral Park Subd. (lugar kung saan natagpuang nakaparada ang Alterra) 2:45AM dumaan ang sasakyan ni Ed.
“Limang minuto lang ang layo ng Molave St., sa bahay ni Ed… saan dinala ang Altera ng ilang oras?” tanong ni Ronnie.
Matapos mailatag ang ebidensiya at ang depensa ng akusado naglabas ng resolusyon si Asst. City Prosecutor Sylvia M. Inciso-Butial noong ika-27 ng Setyembre 2013.
Nakitaan ito ng ‘probable cause’ dahil ang depensa ni Rek-rek ay puro denial at alibi. Hindi niya napatunayan na imposible siyang makapunta sa bahay ni Ed dahil ilang minuto lang naman ang layo nito sa kanya.
Nakulong si Rek-rek ngunit hindi naniniwala sina Ronnie na pagnanakaw lamang ang motibo ng pagpatay kay Ed.
Tinanong namin si Editha kung may alam ba siyang nakaalitan ng anak.
“Wala akong kilalang kaaway ni Ed. Napakabait ng anak kong yan!” wika ng ina.
Inilapit namin ang kasong ito sa grupo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sa mismong Chief of Staff ng Director noon ng CIDG na si P/Senior Superintendent Rudy Lacadin.
Kumilos agad ang CIDG at nagbuo sila ng team kabilang ang dalawang beteranong imbestigador at inatasan ang CIDG-NCR para magtulong-tulong sila sa kaso.
Dahil wala naman ibinigay na pabuya kinailangan kong kausapin ang ating mga kasamahang‘media’ sa pangunguna ni Korina Sanchez ng Rated-K at itinampok agad sila sa kanyang programa.
Si Jasmin Romero ng TV Patrol ay itinampok din ito dahil tila wala ng ‘development’ ang kaso.
Matapos dakpin itong si Rekrek tumigil na ang pulis Las Piñas.
Nag ‘follow-up’ ang TV Patrol. Nakausap ang may hawak ng kaso na si P/Senior Inspector Joel Gomez. Sinabi nito meron daw silang hinahanap na ‘at large’. Hinamon siya ni Jasmin na ilabas ang ‘Composite Cartographic Sketch’ ng isa pang suspek subalit tumanggi raw itong Senior Inspector Gomez na ilabas dahil baka masunog.
Ang estilo ng pagpatay kay Ed ay tulad ng nangyari sa babaeng Advertising Senior Executive. Ang naging pagkakaiba nga lang ay hindi naglaan ang gobyerno ng pabuya rito.
Dapat nga bang itago pa ang ‘Composite Cartographic Sketch’ ng isang suspek gayung hindi na nila ito mahigilap? O mas magandang ilantad na ito sa publiko upang matulungan ng taong bayan?
ABANGAN ang kinahinatnan ng kasong ito sa LUNES. ESKLUSIBO dito lamang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Nais kong pasalamatan si Baby Melisa Robancho ng First Global Sattellite (Gsat). Halos sumakit ang ulo ko at kung hindi dahil kay Baby na pinagtiyagaang ayusin at asikasuhin ang aking account sa kanila malamang hanggang ngayon patuloy pa din ako sa kakafollow-up. Maraming salamat muli Baby at kung ako ang Gsat dapat siyang ma-promote bilang head ng ‘head’ ng ‘Customer Relation Service’.
Hotline: 091989728 54
Tel. No.: 7103618
- Latest