Subukan ang hot compress at cold compress
A. Hot compress o ang paggamit ng mainit na tubig. May mga sakit na matutulungan ng paggamit ng hot compress o cold compress. Alamin natin ito.
Paano ginagawa ang hot compress?
Bumili ng water bag at lagyan ng mainit na tubig.
Puwede ring gumamit ng babasaging bote at tuwalya. Lagyan ang bote ng mainit na tubig at balutin ng tuwalya para hindi kayo mapaso. Tantyahin na huwag sobrang init ang tubig.
Isang simpleng paraan: Basain ang tuwalya ng mainit na tubig. Pigain ito at ipatong sa apektadong lugar. Hot compress na rin iyan.
Bumili ng ready-made na compress sa botika. Ilublob ito sa mainit na tubig.
Anong sakit ang puwedeng matulungan?
Pigsa at kuliti – Para mabilis mahinog ang pigsa, tapalan ng hot compress ang pigsa ng 10-15 minutos 3 beses sa maghapon. Mas lalambot at bibilis ang pagputok ng pigsa.
Pagkaraan ng 2-3 araw, puwedeng i-hot compress ang mga pilay (sprain).
Arthritis at sakit sa kasu-kasuan. Itapal ang hot compress sa mga parteng sumasakit. Mas sumasakit ang kasu-kasuan kapag taglamig. Magsuot ng pajama, long sleeves at medyas kapag malamig ang panahon.
Kahit anumang sakit ng laman, tulad ng hita, braso at likod. Pinare-relax ng hot compress ang ating masel. Subukan ito.
Humihilab na tiyan. Mababawasan din ang sakit ng tiyan dahil pinare-relax ang masel ng tiyan.
Bukod sa hot compress, mabisa rin ang hot bath. Maligo ng mainit-init na tubig para maalis ang sakit ng katawan. Puwede rin ang hot bath sa impeksyon sa ihi at sa almoranas.
B. Cold compress o ang paggamit ng malamig na tubig.
Paano ginagawa ang cold compress?
Bumili ng water bag at lagyan ng malamig na tubig o yelo.
Gumamit ng plastic na supot o bote. Lagyan it ng malamig na tubig o yelo. Puwede ding palamigin muna sa refrigerator ang bote.
Bumili ng ready-made na compress sa botika. Palamigin ito sa refrigerator.
Anong sakit ang puwedeng matulungan:
Para sa mga kagat ng insekto. Mababawasan ng yelo ang pamamaga at pagkati ng sugat.
Unang 24 oras ng pagkakaroon ng pasa, pilay (sprain) at bukol. Mababawasan ng cold compress ang pagdurugo sa loob ng pasa, para hindi ito lalong mamamaga.
Kahit anong dumudugong sugat, tulad ng dumudugong ngipin at ilong. Makatutulong ang cold compress para mapabilis ang pagbuo ng dugo. Kapag dumudugo ang ilong, ipatong ang cold compress sa puno ng ilong at pisilin ito. Kapag bagong bunot ng ngipin, huwag muna kumain o uminom ng maiinit na pagkain.
Eye bags sa mukha. Ang malamig na tubig ay mabilis makatanggal ng pamamaga ng mukha.
- Latest