EDITORYAL – INC rally hindi dapat sa EDSA
MULA Taft Avenue sa Maynila, inilipat ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang kanilang rally sa EDSA corner Shaw Boulevard noong Biyernes ng hapon. Ang kanilang rally ay protesta laban kay Justice Secretary Leila de Lima dahil sa umano’y pakikialam nito sa internal affair ng kanilang sekta. Umaga ng Huwebes pa nagsimulang magtipon ang mga miyembro ng INC sa Padre Faura sa harap ng DOJ office. Nagkaroon sila ng programa at kinantahan pa si De Lima ng birthday songs. Birthday ng Justice Secretary noong Huwebes. Dahil sa sobrang ingay sa lugar, kinansela na ng UP Manila ang kanilang klase. Nagkalat ang basura at naging mapanghi sa lugar dahil sa pagdagsa ng mga miyembro.
Hinihiling ng mga miyembro ng INC kay De Lima na itigil ang imbestigasyon na may kaugnayan sa illegal detention na isinampa ng isang natiwalag na ministro sa mga matataas na opisyal ng INC. Hindi raw dapat makialam ang DOJ secretary sa pansariling problema ng INC. Sa placard ng mga INC members, hinihiling nila ang pagbibitiw ni
De Lima sa puwesto.
Ang akala nang marami, tapos na ang rally ng INC sa Padre Faura sapagkat noong Biyernes ng gabi ay inalis na nila ang mga platform at posters sa harap ng DOJ pero nagulat ang marami at pati ang pamahalaan mismo sapagkat sa EDSA pala sila tumuloy at doon itinuloy ang rally.
Marami ang naapektuhan sa pagdagsa ng INC members sa EDSA sapagkat nagdulot iyon ng grabeng trapik. Isinara ang EDSA corner Shaw at wala nang makadaang mga sasakyan. Maraming empleyado ang nagmura sa inis dahil gusto nang makauwi sa kanilang bahay. Maraming na-late sa kanilang appointment. Hindi nila inasahan na magkakaroon ng ganoon kabigat na trapik sa EDSA.
Nagkataon pang suweldo noong Biyernes at simula nang mahabang weekend. Nasira ang plano nang marami dahil sa mabigat na trapik na idinulot ng INC rally.
Hindi sana dinala ang rally sa EDSA na nagdulot nang pagkadismaya sa mga motorista. Hindi sana idinamay ang iba pang wala namang kinalaman sa kanilang pinuprotesta. May karapatang magtipon pero isaalang-alang din naman sana ang karapatan ng iba.
- Latest