‘Bilyones na pondo sa imprastruktura’
AGRESIBO ngayon sa pagbibigay ng anunsyo sa media ang Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa kanilang mga inilulunsad na proyekto.
Ayon kay Sec. Butch Abad, nakatuon ang administrasyon sa mga imprastruktura na kinakailangan sa bansa. Katunayan, 95% na raw ng pondo ang nai-release na para sa mga proyekto, aktibidad at programa o projects, activities and program (PAPs).
Maliban dito, nagdagdag na rin daw ang ahensya ng bilyones na pondo sa Bottom-Up Budget (BUB) o mga pondo para sa mga proyekto sa lokal na pamahalaan. Kung dati ay P20.9 bilyon lang, ngayon ay P24.7 bilyon na.
Inclusive growth, good governance at poverty reduction daw ang layunin ng administrasyon sa paglalaan ng malaking pondo sa PAPs.
Kung paniniwalaan ang mga boladas na ito ng kalihim, talagang napaganda sa pandinig ng isang Juan at Juana Dela Cruz. Ang problema, hindi ito ramdam ng taumbayan.
Hindi ramdam ang mga proyekto at programa ng pamahalaan, hindi tukoy kung saang mga rehiyon ibinubuhos ang pondo at kung ano ang mga espisipikong proyekto.
Naglalaro tuloy sa isipan ng publiko na ginagamit lang ito ng mga kaalyado ng administrasyon sa kanilang mga ambisyon sa darating na eleksyon.
Ang pagpasa sa Freedom of Information bill ang isa sa mga nakikita ng BITAG Live na magiging sagot para maiwasan ang malawakang korupsyon sa mga proyekto ng gobyerno.
Ibig sabihin, bago pa man simulan ang anumang proyekto sa isang lalawigan, alam na agad ng mga infrastructure watchdog kung magkano ang nakalaang pondo at kung kailan ito matatapos dahil ang DBM agarang ina-upload sa kanilang website lahat ng detalye.
Hindi ganito ang nangyayari sa pamahalaan. Bagkus, kung sino lang ang mga nakapaikot sa pangulo mapa-gabinete man o pribadong sektor at indibidwal, sila lang ang nakakaalam.
Hanggat hindi transparent ang gobyerno sa publiko lalo na sa aspeto ng pondo, hindi makakamtan ng mga namumunosa bansa ang tiwala ng mga “boss.”
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest