Kailangan may dahilan para buksan
DAHIL sa mabilis at maanghang na pagbatikos nang marami sa biglaang anunsyo ng Bureau of Customs na magbubukas ng mga Balikbayan boxes para inspeksyunin at hanapan ng kontrabando, ipinatigil na ni President Aquino ang patakaran. Wala nang bubuksang Balikbayan box nang walang dahilan. Sa madaling salita, bubuksan lamang ng BoC ang Balikbayan boxes na hinalang may kontrabando o kagamitang kailangang patawan ng buwis.
Idadaan ang lahat ng kahon sa X-ray, pati sa pag-amoy ng mga K-9 para sa iligal na droga. Kapag may nakitang kahina-hinalang bagay, saka lang pwedeng buksan, pero sa harap ng mga opisyal at kung maaari, may CCTV pa na nakatutok. Ito ay para mabigyan din ng proteksyon ang may-ari ng kahon. Malaking bagay rin kung may mga tip mula sa mga otoridad ng bansang pinagmulan ng mga kahon, kung may iligal na laman. Dumadaan din naman sa kanilang inspeksyon ang mga kahon bago ipadala.
Ayon sa BoC, ginagamit na raw kasi ang mga Balikbayan boxes para magpasok ng iligal na droga, kontrabando tulad ng baril at bala, pati na rin ng mga kagamitang dapat mapatawan ng buwis. Kaya gustong magpatupad ng “random inspection” para mahuli ang mga salarin. Pero umalma ang mga OFW na karaniwang nagpapadala ng mga kahon para sa kanilang mga kapamilya. Ang mga laman ay bunga ng kanilang pagsisikap at sakripisyo na magtrabaho sa ibang bansa, para mabigyan ng maginhawang buhay ang mga kapamilya. Hindi nila matanggap na may mga hahalukay ng kanilang padala, lalo na’t hindi matanggal sa kanilang isipan na oportunidad lamang ito para sila ay manakawan. Nakunan ng CCTV noon ang mga empleyado ng post office na nagbubukas ng mga pakete, at ninanakawan ang laman. Kaya hindi masisisi ang mga ayaw magpabukas ng mga kahon.
Pero totoo nga na may mga kawatan na ginagamit na ang Balikbayan boxes para magpasok ng kontrabando at commercial quantity na gamit. Naaalala ko ang nagpasok ng 16 na kahon, na libo-libong bala ang laman, bukod sa mga piyesa ng high-powered na baril, na hinaluan ng mga diaper ng bata. Dahil nakatanggap ng tip ang mga otoridad, nasabat ito at kinasuhan ang may-ari ng mga kahon.
Tama ang desisyon ng Presidente sa pagtigil ng “random inspection” ng mga kahon. Para sa mga OFW, sagrado ang mga kahon na ito dahil pinadadala para sa kanilang pamilya. Kailangang may dahilan para buksan ang kahon. Kapag idinaan na sa X-ray at pag-amoy ng aso at may hinala na iligal ang laman, diyan pa lang puwedeng buksan, na may mga kundisyon ding dapat sundan. Palapit na ang kapaskuhan na tiyak dadagsa muli ang mga kahon. Ihanda na ng BoC ang kanilang mga X-ray machines at K-9 units.
- Latest