EDITORYAL – Panibagong dungis sa PNP
HINDI lamang panghuhulidap, pangingidnap at pagre-recycle ng shabu ang ginagawa ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) ngayon, lumilinya na rin sila sa gunrunning.
Itong huling aktibidad ang mabilis nilang magawa at hindi agaran silang paghihinalaan dahil karaniwan nang baril ang kanilang gamit sa trabaho. Paano nga naman paghihinalaan ang isang pulis na nagbebenta ng baril. Parang mahirap kung iisipin.
Kaya nang makasagupa ng PNP-Task Force Tugis ang isang suspect sa gunrunning activities at kanilang mapatay sa Quezon City noong Lunes, ganoon na lamang ang kanilang pagkagulat nang malaman na isa pala itong pulis na naka-assigned sa Anonas Police Station ng Quezon City Police District (QCPD). Hindi sila makapaniwala na si SPO1 Wilfredo Blanco na matagal na nilang sinusubaybayan ay kanilang “kabaro”. Ayon sa QCPD, matagal nang wanted si Blanco dahil sa iba pang illegal na aktibidad. Nang mabuklat ang rekord, isa pala ito sa high profile personalities na pinaghahanap at kilala lamang sa tawag na “Blanco”.
Napatay si Blanco sa kanto ng Quezon Avenue at Roces Avenue sa Bgy. Paligsahan, QC nang makipagbarilan sa Task Force Tugis. Kasama ni Blanco sa isang itim na SUV ang tatlo pang suspect nang maganap ang shootout. Bago ang shootout, isang Task Force Tugis operative ang nagpanggap na buyer ng baril at nakipagnegosasyon kay Blanco. Nagkasundo na magkita sa Quezon City Memorial Circle dakong alas onse ng umaga noong Lunes. Pero nagbago at sinabing sa Philcoa na lamang. Hanggang magbago muli at sinabing sa West Avenue. Hanggang sa magkasundo na sa isang convenient store sa kanto ng Quezon Avenue at Roces Avenue. Doon sa lugar na iyon naganap ang shootout. Nagtangkang tumakas si Blanco nang maamoy ang mga pulis. Pero nabangga ang SUV na minamaneho at nakipagbarilan na si Blanco hanggang mapatay siya. Nahuli ang tatlong kasama ni Blanco.
Panibagong dungis sa PNP ang ginawa ni Blanco. Nararapat nang kumilos si PNP chief Dir. General Ricardo Marquez para magkaroon nang lubusang paglilinis sa organisasyon. Alisin ang mga “bugok” para hindi mahawa ang iba pa. Maging maingat sa pagkuha ng mga aplikanteng pulis para hindi na makadungis.
- Latest