Bukas-kahon stop na – P-Noy
NAGISING na si Presidente Noynoy sa katotohanan na ang policy ng Bureau of Immigration na busisiin ang mga dumarating na balikbayan boxes ay makakasama sa kanyang mga kandidato sa 2016.
Tiniyak na ng Malacañang na hindi na bubuksan ang mga balikbayan boxes na padala ng mga OFW’s. Ito ay kasunod ng utos ng Pangulong Benigno Aquino III sa Bureau of Customs (BoC) na ipadaan na lang sa x-ray at ipaamoy sa mga sinanay na aso ang mga kargamento. Kung may mga kaduda-dudang laman ang mga kahon, dun pa lamang bubuksan ang mga ito.
Matindi palibhasa ang warning ng mga OFWs. Hindi nila iboboto ang mga kandidatong i-endorso ng Pangulo kasama na si Mar Roxas. Agad pinulong ng Pangulo kagabi sina Finance Sec. Cesar Purisima at Customs Commissioner Alberto Lina ukol sa reklamo ng mga OFW’s sa pagbubukas ng BoC sa mga balikbayan boxes.
Napagkasunduan ng mga opisyal na idaan na lamang sa X-ray at K-9 examination ang lahat ng balikbayan boxes nang walang karagdagang bayad maliban lang kung nakitaan ito ng anomalya.
Hindi nangangahulugan na isinaisantabi na ang bukasan. Kung walang makikita ang mga x-ray machines na mga inismagel na epektos at walang maaamoy na droga ang mga K-9, palalampasin na ang mga kargamento.
Mahusay na sistema lang naman ang kailangan. Bakit kailangan pang buksan gayung may mga pasilidad na nakatalaga para masilip ang laman ng mga kahon. Naghihinala tuloy ang marami na may “monkey-business” na balak ang BoC gaya ng pangungupit sa laman ng kahon o kaya’y paghingi ng lagay sa mga may-ari ng kahon.
Ang dapat matakot na lang ngayon ay yung mga smugglers at drug traders dahil tiyak na masisilip nang walang pasubali ang kanilang mga epektos. Ngunit yung mga nagpapadala lamang ng mga pasalubong sa kanilang pamilya, lalu pa’t papalapit na naman ang Pasko ay wala nang dapat ipangamba.
Sana sa susunod, ang mga opisyal ng administrasyon ay mag-isip muna nang maraming beses bago magpatupad ng mga policy. Pakasuriin ang magiging pangkalahatang reaksyon ng taumbayan.
- Latest