^

PSN Opinyon

“Nang pumitas ng santol si Adan”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

NANUNUNGKIT ng santol para makatikim ng matamis na bunga. Isang malakas na mala-kidlat ang dumagundong at inihagis siya sa lupa.

“Putok-putok ang balat ng kapatid ng mister ko. Napuruhan pa ang daliri at ang kanyang ari,” salaysay ni Lhen.

Sa Cauayan, Isabela noong ika-25 ng Hulyo 2015 inaya ng kanyang mga kaibigan na manungkit ng santol ang labing apat na taong gulang na bayaw ni Lhen Locading na si Julie Ausen.

Bitbit ang ‘stainless’ na kawad na panungkit, sumama ang kanyang bayaw. Pagdating sa isang puno ng santol malapit sa poste ng Isabela II Electric Cooperative, Inc. (ISELCO) huminto sila dahil hitik sa bunga.

Nang sumagi sa ‘live wire’ ang panungkit bigla na lang natumba ang bata at nang tingnan nila putok-putok na ang balat nito.

“Dinala siya kaagad sa malapit na ospital. Hindi naman nila alam na may ganung problema ang kable dun,” kwento ni Lhen.

Ayon sa doktor lumabas ang kuryente sa katawan ng bata kaya’t maraming pumutok sa balat nito. Ang daliri niya halos maputol at napuruhan din ang ari nito at nagkaroon ng butas.

Binigyan ng paunang lunas doon ang bata at hinintay munang maghilom ang mga sugat nito.

“Sa tuwing lilinisin ang kanyang mga sugat kailangan ‘general anesthesia’ ang ilagay. Talagang namimilipit siya sa sakit at  nakakaawa siya,” sabi ni Lhen.

Upang mas mabigyan ng lunas iniluwas ng Maynila ang pasyente. Dinala nila ito sa Veterans Memorial Hospital.

“Humingi na kami ng tulong sa mga kamag-anak namin para sa pagpapagamot sa kanya. Kung kani-kanino na kami lumapit dahil kawawa naman ang kalagayan ng bata,” wika ni Lhen.

Ikalabing-lima ng Agosto 2015 nang operahan (Reconstructive Surgery) ito. Kumuha ng balat sa ibang parte ng katawan upang itapal sa kanyang ari. Hindi naman daw ito nasira at balat lang ang nagka-problema.

“Kapag hindi raw natapalan masasakal ang daanan ng ihi at maiimpekta ito. Yun ang pinakapinagtutuunan namin ng pansin at inuuna,” pahayag ni Lhen.

Ang daliri naman nitong halos maputol ay binigyan sila ng dalawang mapagpipilian. Maaari raw itong putulin ngunit pwede rin namang ikabit muna sa tiyan upang hayaang magkaroon ulit ng balat.

“Napakabata pa ng bayaw ko para mangyari sa kanya ang ganitong uri ng operasyon. Laging may itinuturok sa kanyang gamot para huwag lang masaktan sa mga sugat niya,” ayon kay Lhen.

Bawat kilos nila sa ospital kailangan nilang magbayad. Malaki na raw ang gastos nila sa gamot. Bayad pa lamang sa doktor ay umabot na ng Php75,000 bukod pa ang kanilang bayarin sa ospital.

“May kamag-anak ang asawa ko na lumapit sa ISELCO nangako sila na magbibigay daw sila ng Php20,000,” sabi ni Lhen.

Inakala ng pamilya na matutulungan sila kahit papaano sa mga kaila­ngan nilang bayaran sa ospital. Pagdating ng Lunes Agosto 17, 2015 may tumawag sa nanay ng nakuryente.

“Mag-iimbestiga raw muna sila kaya hindi muna magbibigay ng pera. Matagal nang nangyari ang insidente. May mga testigo naman kaming makakapagsabing talagang doon sa poste nila nanggaling ang kuryente dahil merong ‘live wire’ na walang balot,” pahayag ni Lhen.

Sa ngayon tuluy-tuloy pa rin ang gamutan sa bata at dalawang klase ng ‘antibiotics’ ang kailangan nito. Hindi sila makapagbayad ng ‘down payment’ kaya naka-hold pa ang lahat ng resulta ng laboratory.

‘Aluminum Installer’ ang mister ni Lhen at mula nang mangyari ang insidente ay hindi na raw ito nakapasok dahil sa pag-aasikaso sa kapatid. Sila lang ng kanyang ina ang nagsasalitan sa pagbabantay.

Dala nang pangangailangan nag-isip sila kung kanino lalapit. Dumulog sila kay Congressman Leopoldo Bataoil ng ikalawang distrito ng Region I (Ilocos).

Naging kaibigan na natin siya nung Director sa Philippine National Police at kilalang matulungin at madaling lapitan.

“Ayon sa sekretarya niya tutulungan daw kami ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) NCR,” sabi ni Lhen.

Kukuha lang daw sila ng ilang mga dokumentong hinihingi sa kanila para matulungan sila sa mga bayarin.

Sa pinagdadaanan nilang ito nais malaman ni Lhen kung maaari ba silang humingi ng tulong sa ISELCO.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang mga poste ay ibinabaon ng mga kompanyang kuryente, telepono at ‘cable providers’. Ito ay upang makapagbigay sila ng serbisyo sa kanilang kapwa.

Ang mga posteng ito ay dapat nilang pinangangalagaan sapagkat dito sila kumikita. Kailangan nilang siguraduhin na ang mga kawad na nakakabit dito ay maayos at hindi makakapinsala sa mga taong nakatira sa paligid nito.

Labing apat na taong gulang lamang ang bata, at ayon sa kwento ni Lhen nanungkit lang ito ng santol.

Obligasyon ng ISELCO na inspeksiyonin ang kanilang mga kawad kung maayos ba ang mga ito lalo pa’t katabi nito ay punong namumungang prutas.

Hindi napanatili ng ISELCO na ligtas ang kanilang poste kaya naman obligasyon nilang tulungan ang napinsala nito.

Cong. Bataoil bumunot ka naman mula sa iyong ‘emergency fund’ at abutan mo ng pampagamot ang biktima. May nakalaan naman na ‘budget’ para sa ganitong klaseng sitwasyon.

Maliban pa diyan maari kang makipag ugnayan sa Office of the Mayor ng Cauayan kay Mayor Bernard Faustino Dy para sila rin naman ay kumuha sa pondo ng kanilang siyudad at nang mapagtulungan ang bayarin ni Julie.

Ipatawag niya ang hepe ng Engineering Office para maimbestigahan ang linya ng kuryente at poste kung saan nanggaling ang kuryente.

Kung mapapatunayan na naiwan na nakatiwangwang ang kawad ng kuryente na walang balat dahil napabayaan, maari silang magsampa ng kasong ‘negligence’ laban sa ISELCO.

Maaring Criminal Negligence at Civil para makakuha ng danyos sa sinapit ng kanyang bata.

Kung sasabihin naman ng ISELCO na ito’y ‘high tension wire’ dapat merong sapat na babala sa mga naninirahan dun at kaya nga ‘high’ dapat mataas ito na hindi maabot ng panungkit mula sa lupa.

Isa pang nagpapabigat ng kapabayaan ng ISELCO ay ang biktima ng si Julie ay menor de edad at ito ay ‘aggravating’ dahil meron kalakip yan yan ng Anti Child Abuse in Relation to RA7610.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MAY PROBLEMANG LEGAL, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7104038

ACIRC

AGOSTO

ALIGN

ANG

ITO

LEFT

LHEN

MGA

QUOT

SILA

STRONG

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with