EDITORYAL - Si Ninoy at sa ngayong ‘tuwid na daan’
ANG pagpatay kay Sen. Ninoy Aquino noong Agosto 21, 1983 ang naging simula ng mga pagbabago sa bansa. Nabuwag ang diktadurya. Kailangan palang magbuwis ng buhay si Ninoy para magkaroon ng tapang at lakas ng loob ang mga Pilipino. Ang kamatayan ni Ninoy ang naghudyat para magkaisa at magkapit bisig ang lahat. Nailuklok ang biyuda ni Ninoy na si President Corazon Aquino noong Pebrero 1986 at lubusang naibalik ang demokrasya. Lahat nang ito ay nag-ugat dahil sa pagkamatay ni Ninoy.
Tatlumpu’t dalawang taon na ang nakalilipas mula nang barilin sa Manila International Airport (ngayo’y Ninoy Aquino International Airport) si Ninoy habang bumababa sa hagdan ng China Airlines. Bumagsak sa tarmac si Ninoy. Ayon sa Avsecom soldiers, si Rolando Galman ang bumaril kay Ninoy. Hanggang ngayon, nananatiling misteryo ang pagpatay kay Ninoy sa kabila na nakalaya na ang mga sundalong sinasangkot sa pagpatay. Nanindigan ang mga sundalo na wala silang kasalanan. Marami naman ang naniniwala na hindi maisasagawa ang pagpatay kay Ninoy kung walang alam ang rehimeng Marcos. Hindi man daw matukoy ang “utak”, sa kanilang isip, mayroon na silang alam kung sino nga iyon.
Hindi malilimutan si Ninoy sa nagawa niyang pagsasakripisyo ng buhay para maibagsak ang diktadurya at maibangon ang demokrasya. Ang kanyang pangalan ay laging sasambitin sa paglipas ng panahon. Hindi malilimutan ang ginawa niyang paglaban sa taong umabuso sa kapangyarihan at kumalong sa mga corrupt na kaibigan, cronies at iba pang walang budhi.
Ang katangiang ito ang pilit hinahanap ng sambayanan (o mga “boss”) sa kanyang anak na si President Noynoy Aquino. Hinahanap ang anino ni Ninoy sa kanyang anak na si P-Noy subalit hindi nila makita. Hindi makita ang katotohanan sa sinasabing “kung walang corrupt, walang mahirap”. Marami pa rin ang corrupt ngayon. May mga kaibigan at kaalyadong pinapaboran at hindi makasuhan kahit nagkasala sa bayan.
Malayo sa sinasabing “tuwid na daan” ng anak ni Ninoy.
- Latest