EDITORYAL - Bangag na bus driver
HINDI na maganda ang nangyayaring ito na ang drayber ng pampasaherong bus ay bangag sa ipinagbabawal na gamot. Lubhang nakakatakot na ang masasakyang bus ay minamaneho ng isang “nagti-trip” at dadalhin ang kanyang mga pasahero sa hukay. Walang kamalay-malay ang mga pasahero na iyon na pala ang huli nilang biyahe.
Ganito ang nangyari sa Valisno Bus (Plate No. TXV-715) na bumangga sa konkretong arko sa boundary ng Quezon City at Caloocan City noong Miyerkules ng umaga dakong alas siyete. Sa lakas ng pagbangga, nahati ang bus sa dalawa at apat na pasahero ang namatay samantalang 18 ang nasugatan.
Bangag sa droga ang drayber ng Valisno na nakilalang si George Pacis, 35. Ayon sa hepe ng Quezon City Police District Traffic Sector, lumabas na positibo sa ipinagbabawal na droga si Pacis nang maganap ang trahedya. Nadakip si Pacis sa San Jose del Monte, Bulacan, ilang oras makaraan ang insidente. Nang kapanayamin si Pacis, ngingiti-ngiti pa siyang ikinuwento ang nangyari na parang walang anuman sa kanya. Ayon sa kanya, kaya niya binilisan ang pagpapatakbo ay dahil isang pasahero ang nangantiyaw na mabagal daw ang pagpapatakbo niya. Kaya ang ginawa niya, mabilis na pinatakbo ang bus habang binabagtas ang Quirino Highway. Nag-overtake umano ang bus sa isang sasakyan habang nasa kurbada at saka bumangga sa konkretong arko. Pero sabi ni Pacis, aksidente lang daw ang nangyari.
Sinampahan siya ng mga kasong reckless im-prudence resulting in damage to property with multiple physical injuries at multiple homicide, paglabag sa Article 275 ng Revised Penal Code (abandoning a person in danger or one own’s victim) at paglabag sa Republic Act No. 10586 o driving under the in-fluence of dangerous drugs.
Marami pang katulad ni Pacis na nagmamaneho na nasa impluwensiya ng bawal na droga. Dapat namang managot ang kompanya ng bus na nag-hire kay Pacis sapagkat nag-empleo sila ng isang drug addict. Tama lamang ang pasya ng LTFRB na suspendehin ang mga bus ng Valisno. Mag-ingat naman ang LTO sa pag-iisyu ng driver’s license at baka ang maisyuhan nila ay adik-adik pala. Mas maganda kung maibalik ang drug testing sa pagkuha ng lisensiya.
- Latest