EDITORYAL - Death penalty, ibalik para sa drug traffickers
WALA nang kinasisindakan ang mga dayuhang drug traffickers. Patuloy ang pagpapasok nila ng illegal na droga sa bansa. Sa nangyayaring ito, dapat nang ibalik ang parusang kamatayan para malipol na ang mga salot ng lipunan. Hangga’t walang napaparusahan ng kamatayan sa drug traffickers, patuloy na magi-ging problema ang illegal na droga at maraming sisiraing buhay.
Nagkalat na ang illegal na droga. Noong nakaraang linggo sinalakay ang shabu tiangge sa Caloocan City at 21 “tulak” ang nahuli. Ang nakakatakot, maaaring makalabas sa bilangguan ang mga nahuli at bumalik sa pagtutulak. Kung mapaparusahan sila ng kamatayan, wala nang babalik para maghasik ng kasamaan sa lipunan.
Nakapangingilabot ang mga nagagawang krimen dahil sa pagkalulong sa bawal na droga. Katulad ng isang tinedyer na pinatay ang kanyang lola at saka kinuha ang puso nito at kinain. Ayon sa tinedyer, may nagbulong umano sa kanya na ganoon ang gawin. Ayon sa mga pulis, gumagamit ng droga ang tinedyer.
Kahindik-hindik din ang ginawa ng inang adik na pinatay ang dalawa niyang anak (isa ay sanggol pa) habang natutulog ang mga ito. Tinakpan ng ina ang mukha ng mga anak na ikinamatay ng mga ito. Nangyari ito sa isang bayan sa Rizal.
Ang pagkalulong din sa shabu ang nagtulak sa dalawang tricycle drivers para gahasain at patayin ang babae nilang pasahero sa Cavite.
Lahat nang mga pangyayaring ito ay nagawa dahil sa illegal drugs kaya nararapat nang ibalik ang death penalty. Kung maibabalik ito hindi na magiging problema ng DOJ ang “Bilibid 19” na buhay-marangya sa New Bilibid Prisons (NBP) at nakapagta-transact ng shabu habang nasa loob.
Ibalik ang death penalty at gawing eksklusibo sa mga mapapatunayang drug traffickers. Ito ang sagot sa lumalalang problema sa illegal drugs.
- Latest