Huwag apihin ang mga ampon
NOONG araw, ang mga batang ampon ay laging tampulan ng tukso ng mga kapwa bata at kamag-aral, Tinatawag na “napulot sa tae ng kalabaw.” kawawa naman sila. Marami tuloy sa kanila ang nagkakaroon ng inferiority complex.
Hindi ko sukat akalain na puwedeng maging political issue ito laban sa isang kandidatong katulad ni Sen. Grace Poe na nagpakita ng mataas na rating sa survey bilang potensyal na presidential candidate.
Pero marami naman ang naniniwala na mahina ang kasong isinampa sa electoral tribunal ng Senado ng natalong senatorial candidate na si Lito David na ang basehan ay ang pagiging ”foundling” ni Grace Poe. Itinuturing daw kasing “stateless” o walang bansa ang mga batang napulot.
Ngunit ayon sa mga legal experts, may resolusyon ang United Nations noong dekada ‘50 na nagsasabing ang mga foundling ay dapat ituring na mamamayan ng bansa kung saan sila napulot.
Pero tama ang sinabi mismo ni Grace. Kung ang pagsasampa ng reklamo laban sa kanya ay walang bahid-pulitika, bakit ngayon lang na napapabalitang tatakbo siya sa pagka-pangulo ng bansa. Gaya nang naisulat ko sa nakalipas na kolum, halatang may mga politikong takot sa pagsabak ni Poe dahil banta siya sa kanilang panalo.
Hindi lang si Grace ang isang foundling. Maraming mga inampon ang hindi kilala ang tunay na mga magulang. Mga foundlings. Pero aalisan na ba sila ng karapatan ng isang mamamayan dahil lamang sa kalagayang ganito?
Marahil, kailangang bumuo ang Kongreso ng batas para sa kapakanan ng mga ampon, lalu na yung mga napulot at di kakilala ang mga magulang. Kahit pa mayroon nang deklarasyon ang UN tungkol dito, dapat pa rin tayong magkaroon ng internal law para malinaw na isaad ang karapatan ng mga batang inampon. Hindi na si Grace ang pinag-uusapan dito kundi yung mga katulad niyang napulot.
Para kay Grace, masaya niyang tinanggap ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya dahil daw magkakaroon siya ng pagkakataong bigyang linaw ang mga pangit na akusasyong ipinupukolsa kanya.
- Latest