‘Lumalagong BPO na iniisnab ng gobyerno’
SEKTOR ng overseas Filipino worker (OFW) at Business Processing Outsource (BPO) ang dahilan kung bakit lumulutang ang ekonomiya ng bansa.
Sa mga nakaraang pagtalakay ko sa usaping ito sa BITAG Live, mismong ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at National Economic and Development Authority (NEDA) na ang nagkumpirma dito. Kumpara sa Vietnam at ilang mauunlad na bansa sa ASEAN Region, hindi Foreign Direct Investment (FDI) inflows ang may malaking kontribusyon sa pagganda ng ekonomiya.
Taong 2014, $24.3B ang naging kabuuang kontribusyon ng sampung milyong migrant workers na nakikipagsapalaran sa ibang bansa habang $18.9B naman ang naipapasok ng BPO. Ayon sa Information Technology and Business Process Association (IBAP), tataas pa sa $21.2 bilyon ang maipapasok ng industriya sa bansa ngayong 2015, $25 bilyon sa 2016 at lolobo pa sa $28.9 B sa 2017.
Ang problema, kung sino pa ang nagpapasok ng bilyong dolyares sa bansa, sila pa ang hindi nabibigyang-pugay, pansin, atensyon at ayuda ng pamahalaan. Lamig ang kasalukuyang administrasyon sa mga OFW na nagpapakandahirap at nagsasakripisyong malayo sa kani-kanilang pamilya.
Nakakabahala ang ganitong sitwasyon. Dumadami ang umaalis na Pilipino dahil sa kawalang-trabaho. Nangangahulugan lamang na wala na silang tiwala sa pamahalaan kung kaya ipinagkakaubaya nalang nila ang kinabukasan sa mga dayuhan. Lumalabas tuloy, nakikibutaw nalang ang gobyerno sa mga bilyones na dolyar na naipapasok sa Pilipinas. Sa sektor naman ng call center, hindi ramdam ang konsern at atensyong ibinibigay, kung mayroon man ng mga nanunungkulan.
Matatapos na ang termino ni Pangulong Noy Aquino pero hindi man lang siya nakaringgan ng mga pagpupugay sa mga batang bayani at walang nailatag na malinaw na reporma at programa sa dalawang industriya.
Bagkus ang kanilang atensyon, nakatuon sa pamumulitika, pagpapapogi at pag-ako na napaganda nila ang ekonomiya sa sariling pagsisikap lang.
Umaasa ang IBAP na mapagtutuunan sila ng pansin ng gobyerno at ng ilang mga pribadong sektor para tumaas pa ang kontribusyon ng BPO sa ekonomiya at umabot sa 1.3 milyon ang mabibigyang-trabaho sa susunod na taon.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest
- Trending