‘Kapalpakan, kapabayaan sa irigasyon’
NANANAWAGAN ngayon ang mga pobreng magsasaka, church leader at mga environmentalist sa National Irrigation Administration (NIA) at sa Palasyo.
Panahon na ng taniman pero ang mga literal na ‘hampas-lupa’ sa probinsya ng Kalinga, dalawang linggo nang naaantala. Papaano ba naman kasi pumalpak ang kontraktor ng NIA sa proyektong Upper Chico River Irrigation System (UCRIS).
Hindi tinapos ang trabaho sa tamang panahon. Ang matinding naaapektuhan at napiperwisyo mga residente sa lugar. Nasira ang kanilang farming calendar at cropping cycle dahil sa kapalpakan at kapabayaan ng nakaupong administrador ng NIA na si Florencio Padernal.
Hindi ito haka-haka. Mismong ang mga magsasaka, nanghimasok na rin ang simbahan at grupo ng mga makakalikasan ang nag-iingay sa problemang ito ng patubig sa Kalinga.
Sa probinsya palang ng Tabuk 6,801 ektarya na ang nasira ang pamumuhay habang 8,451 naman sa bahagi ng Quezon. Kung susumahin, 15,252 ektaryang lupain ang matinding naapektuhan.
Maituturing economic sabotage ang kapabayaang ito sa hindi natapos na patubig na siya sanang magiging sagot sa iniyayabang ni Agriculture Sec. Proceso Alcala na rice-self sufficiency program ng gobyerno.
Taong 2013 dapat nakamit na ito ng Pilipinas subalit ngayon, nananatili pa rin itong yabang at palabra. Nag-iimport pa rin ang bansa ng tone-toneladang bigas. Ang kanyang sinisisi ang kasamang ulo sa departamento na si Food Czar Kiko Pangilinan.
’Yan ang problema kapag ang dalawang nakaupo sa isang ahensya ng pamahalaan hindi magkasundo, nagpa-plastikan, nagsasaltikan, nagpapataasan ng pilantik ng ihi at natuturuan ng sisi kapag nagkakawindang-windang na sa departamento. Ang napi-perwisyo at naiipit tuloy sa kanilang bangayan, taumbayan at mga magsasaka.
Sa malisyosong pag-iisip, pinaghati-hatian nina patay-gutom na kongresista, gobernador kotong at mayor kikil ang nakalaang pondo sa UCRIS kaya nababoy at hindi natapos ng kontraktor ang nasabing irrigation project.
Sumulat na kay Pangulong Noy Aquino ang nabanggit na mga apektadong residente sa Kalinga na personal na niyang panghimasukan ang problema. Habang sinusulat ang kolum na ito, wala pa ring sagot ang Palasyo maging ang kasalukuyang administrador na si Padernal na nasa ilalim ni Pangilinan.
May karugtong…
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest