EDITORYAL – Kaawa-awang kalagayan ng Yolanda victims
HANGGANG ngayon, (magdadalawang taon na sa darating na Nobyembre 8 ang pananalasa ng Bagyong Yolanda) marami pa rin sa mga biktima ang naninirahan sa bunkhouses at mayroon pa rin umano sa mga tent. Marami namang naitayong bahay ang gobyerno subalit ang nakadidismaya, walang tubig at kuryente roon. Lubhang kaawa-awa ang kalagayan ng mga nawalan ng tahanan na umaabot sa 890,895 pamilya. Mahigit 6,000 ang namatay sa bangis ni Yolanda na ang lakas ng hangin ay 270 kph. Nagkaroon ng storm surge at winalis ang mga bahay sa baybay dagat. Pati mga barko ay tinangay sa mga kabahayan. Nasa P89.6 billion ang halaga ng napinsala.
Maraming bansa ang nagpadala ng tulong sa Pilipinas makaraang tumama ang bagyo. Umano’y umaabot sa P73.31 billion ang naipadalang tulong nang maraming bansa. Hanggang ngayon, may mga foreign organization ang nakatutok sa mga biktima ng Yolanda.
Pero ang nakapagtataka, sa kabila na maraming tulong na dumating, mabagal ang recovery ng mga biktima ng Yolanda. Hindi umuusad ang kalagayan at patuloy ang paghihirap. Kulang sila sa pangangailangan.
Ang ganitong kalagayan ang nakita mismo ni Chaloka Beyani, ang UN special rapporteur on human rights of internally displaced person na bumisita sa mga biktima ng Yolanda. Nagtagal si Beyani sa bansa sa loob ng 10 araw. Nasaksihan niya ang kawawang kalagayan ng mga biktima. Ayon pa kay Beyani, bagama’t may mga bahay o tirahang ginawa, wala namang sapat na tubig, kuryente at iba pang pangangailangan.
Sinisi naman ni dating senador at rehabilitation czar Panfilo Lacson ang Department of Budget and Management (DBM) dahil sa hindi pag-released ng P167.8 billion na inaprubahan ni President Aquino para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta.
Makaraang mabatikos ang pamahalaan, sinabi ng Malacañang na magsasagawa pa ng mga tirahan para sa mga biktima. Hindi maayos na natutugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga biktima sa kabila na maraming natanggap na tulong. Kung hindi pa batikusin, hindi kikilos. Bakit kailangang pagtagalin ang kalbaryo ng Yolanda victims?
- Latest