Mas malalang resulta dahil hinayaang korap
NABIGLA ang madla sa kilos ng Ombudsman nu’ng unang linggo ng Hulyo. Kinasuhan nito ng katiwalian si dating MRT-3 general manager Al S. Vitangcol, dahil sa tiwaling P517.5-milyong maintenance contract sa PH Trams. Pero pinawalan-sala nito sina Transport Sec. Joseph Abaya at Jose Lotilla. Ito’y bagamat pumirma rin ang dalawa sa kontrata, na nu’ng una ay anim na buwan pero in-extend nila ng dalawang beses ng tig-dalawang buwan.
Batid ng madla na magkakasapakat sina Vitangcol, Abaya, at Lotilla. Isa sa anim na incorporators-directors ng PH Trams ay tiyuhin ni Vitangcol, isang hayagang paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Pero ‘yung mga iba ay opisyales at supporters ng Liberal Party, kung saan acting president si Abaya, kaya graft din ito. Si Lotilla ang namuno sa pagbalato, imbis na public bidding, ng kontrata.
Batid din ng madla na kapag hinayaan ang krimen, lalo lang lalakas ang loob ng kriminal. Kapag hinayaan ng Ombudsman ang malinaw na katiwalian sa DOTC, lalakas ang loob ng iba pang tiwali.
At gan’un na nga ang nangyari makalipas ang ilang araw lang mula nang pawalang-sala ng Ombudsman sina Abaya at Lotilla:
• Sa Light Rail Transit Authority nu’ng Hulyo 10, nagwaldas si Administrator Honorito Chaneco ng umano’y P2.5 milyon para sa magarbong anniversary costume party. Ito’y habang natitiis ang mga pasahero ng LRT-1 at LRT-2 commuter trains sa tumutulong bubong kapag umuulan at sirang aircon kung tag-init.
• Hindi ihihinto ang kontrobersiyal na vehicle plate replacement, pinagtigasan ng spokesman ng Land Transportation Office nu’ng Hulyo 10. Ito’y bagamat hinayag ng Commission on Audit nu’ng Hulyo 13 na ilegal ang kontrata. Wala pang P187 milyon ang budget para dito nu’ng 2013, pero ang kinontrata ay P3.8 bilyon. Katwiran ng spokesman, miski dineklarang ilegal, wala namang utos ang COA na itigil ito.
- Latest