Mag-bise kaya si Poe kay Mar?
IYAN ang katanungang mahirap hulaan ang sagot ano po? Inamin ni Sen. Grace Poe na sa pakikipag-usap niya kay Presidente Noynoy, halata sa mga pahiwatig nito na gusto siyang tumakbo bilang bise ni DILG Sec. Mar Roxas.
Kung mangyayari iyan, paano na ang kanilang binuong tandem ni Sen. Chiz Escudero na nagbitiw na sa mga hawak niyang komite sa Senado para maging bise ni Poe kung tatakbo itong Presidente?
Kaya kinukuha ng Pangulo si Poe para mag-vice kay Roxas ay para humina ang posibilidad na magwagi si Vice President Jojo Binay kung tatakbo ito sa panguluhan. Alam naman nating lahat ang ipinakitang pamamayagpag ni Poe sa mga survey. Presidential material talaga.
Sa kanyang pinakahuling pahayag, sinabi ng Senadora na hindi siya magtataka kung si Roxas ang i-endorsong presidential bet ng Pangulo. Subalit hangga ngayon ay wala pang sinasabi si Poe kung itutuloy niya ang presidential bid o papayag mag-bise kay Mar. Mukhang nag-iisip ng malalim ang ale. Marahil, naipaliwanag sa kanya ng Pangulo na kung magiging “three-cornered fight” ang 2016 elections na ang magtutunggali ay sina Roxas, Binay at Poe, malamang manalo si Binay. Kung papayag si Poe na magikng bise ni Roxas, malamang maging solido sa liberal party ang mga botante.
Ayon kay Poe inirerespeto niya ang gagawing pag-eendorso ng Pangulo at hindi siya magtataka kung si Roxas ang mapili dahil kapartido niya ito sa Liberal Party. Pahiwatig kaya ito na papayag si Poe na maging vice na lang?
Tuluyan na ring pumanaw ang pag-asa ni Poe na siya ang mamanukin sa pagka-pangulo ng Presidente. Siyempre naman, malaki ang utang na loob ng Pangulo kay Roxas na noong 2010 ay tinalikuran ang pagtakbo sa panguluhan upang pagbigyan siya dahil sa mainit na clamor ng taumbayan matapos mamatay si dating Presidente Cory Aquino.
Kung magkagayon, paano na si Chiz? Well, hindi natin malalaman ang hiwaga ng politika hanggang sa mga huling sandali. Pero ipanalangin natin ang darating na eleksyon upang mangibabaw kung ano ang gusto ng Panginoong Diyos para sa ating bansa.
- Latest