Listahan
KUNG si PNP chief Director General Ricardo Marquez ang masusunod, nais niyang magkaroon ang PNP ng listahan ng mga pulis na nasangkot sa mga iligal o kriminal na aktibidad, para malaman kung sila ay karapat-dapat na ma-promote o malagay sa mas mataas na posisyon. Hindi na bago ang mabalita na ang isang pulis na sangkot sa iligal na aktibidad tulad ng pangingikil, pamamaril ng inosenteng mamamayan, panggagahasa ng bilanggo, at marami pang mga hindi kanais-nais na gawain ay mabibigyan ng mas mataas na ranggo o posisyon. Kapag may listahan na, malalaman kung sino ang mga pulis na hindi dapat bigyan ng ganyang promosyon o ano pang benepisyo.
Inutusan din niya ang Internal Affairs Service (IAS) na ayusin ang kanilang trabaho. Ang IAS ang nakatalagang mag-imbestiga ng mga alegasyon ng kriminalidad sa mga pulis. Nalaman kasi ni Marquez na may mga kasong hawak ang IAS na siyam na taon na at wala pang resolusyon. Ang dapat ay 90 araw lang at may desisyon na. Magtataka pa ba kung bakit nababaon sa limot ang mga kaso?
Sa unang talumpati ni Marquez bilang PNP chief, iginiit niya na lilinisin ang hanay ng pulisya sa mga hindi kanais-nais na miyembro. Sawang-sawa na raw siya sa kasabihang “palibhasa pulis” kaya nasasangkot sa kriminalidad at nakakalusot pa nga sa hustisya, at napo-promote pa! Sinabi ko na noon na ang PNP ay tila fraternity na rin, kung saan hindi makukuhang parusahan ang kanilang kahanay kahit nasasangkot na sa krimen, tulad nga ng fraternity. Sa nakita ni Marquez na may mga kaso sa IAS na siyam na taon na ay wala pang resolusyon, ito na ang patunay sa ganyang klaseng kapatiran. Ikinalungkot niya na dahil sa mga ganyang masasamang pulis, ang buong organisasyon ng PNP ang napapasama, kahit maraming pulis na tapat naman sa trabaho.
Nasa tamang direksyon si Marquez ngayon. Sana ay magkaroon ng bunga ang kanyang pagpapatakbo sa PNP. Linisin na muna ang sariling tahanan. Kapag nalagay na sa lugar ang mga masasamang elemento sa PNP, mapapatupad na nila nang maayos ang kanilang tungkulin na magsilbi at magbigay proteksyon sa lipunan. Sino naman ang may ayaw niyan?
- Latest