EDITORYAL – Bigo sa agrikultura kaya marami ang nagugutom
NGAYONG araw na ito ang huling State of the Nation Address (SONA) ni President Noynoy Aquino. Kung may irereport siya ngayon ukol sa agriculture sector at sasabihin niyang umunlad ito, baka marami ang bumatikos sa kanya. Sa totoo lang, walang naging pag-unlad sa agrikultura at bagkus ay humina ang ani at hindi kayang tustusan ang pangangailangan ng mga Pilipino. At ang kakulangang ito ang dahilan kaya marami ang nagugutom. Sa survey ng SWS, marami pa ring Pinoy ang nakararanas ng gutom sa unang tatlong buwan ng 2015.
Ang kabiguan sa agrikultura ay nakikita sa walang tigil na pag-angkat ng bigas. Nakakahiya na napakalawak ng taniman o mga bukirin subalit patuloy ang pagsandal ng mga Pilipino sa imported na bigas. Pawang bigas mula sa Vietnam at Thailand ang kinakain ng mga Pilipino.
Huwag sanang magkamali si P-Noy sa pagsasabing tagumpay ang kanyang gobyerno sa pagpapaunlad ng sakahan at maraming palay na naaani. Tiyak na maraming magtatanong kung bakit umangkat muli ng bigas sa Vietnam ng 100,000 metriko tonelada na nagkakahalaga ng $1-milyon. Kung sapat ang bigas, bakit ganito karami ang inangkat. At nasaan ang sinasabi ni Agriculture Secretary Proceso Alcala na hindi na tayo aangkat ng bigas at mag-eeksport pa nga. Ganito rin ang sinabi ni P-Noy sa kanyang mga SONA noong 2013: “Ang pinakasagad na nating aangkatin, kasama na ang pribadong sektor, ay ang minimum access volume na 350,000 metric tons. Nakapaloob na po dito ang 187,000 metric tons sa reserbang buffer stock sakaling magsunud-sunod ang bagyo; malamang, dahil on-target pa rin tayo sa rice self-sufficiency, hindi na rin kailangan pang mag-angkat ng pribadong sektor. Dagdag pa po diyan, nagsimula na tayong mag-export ng matataas na uri ng bigas. Ang layo na po talaga natin doon sa panahong sinasabing hindi raw natin kayang pakainin ang ating sarili.”
Kung sapat ang bigas, bakit pa umangkat. Binibigyan ba ang Presidente ng maling impormasyon ukol sa bigas? Ang suma-total: Bigo ang pamahalaan sa pagpapaunlad ng sakahan. Sana ang susunod na Presidente ay tutukan ang sector ng agrikultura para malutas ang pagkagutom ng mga Pinoy.
- Latest