6 na buwan mula nang masaker
IKA-ANIM na buwang anibersaryo bukas ng Mamasapano Massacre. Pero wala pa ring napaparusahan sa paglipol sa 44 na PNP commandos. Nu’ng makalawang Huwebes napabalita na isasakdal na -- sa wakas -- ng Dept. of Justice ang 102 commanders at kasapi ng Moro Islamic Liberation Front at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters. Kaso mo, kinabukasan ay pinabulaanan ito ni Justice Sec. Leila de Lima. Kesyo raw walang pahintulot ang “press leak” ng “transmittal letter” mula sa NBI at National Prosecutorial Service. Kaya iimbestigahan at paparusahan umano niya kung sino ang nagbalita nito.
Nakakahiya naman ang administrasyong Aquino kung mauna pang kasuhan ang nag-”leak” ng naturang balita mula sa NBI o NPS, kaysa sa mga nang-masaker nu’ng Enero 25.
Nakakahiya rin na sa Lunes, sa huling State of the Nation ni President Noynoy Aquino, wala siyang maiuulat sa bayan tungkol sa karumaldumal na krimen laban sa mga alagad ng batas.
Nakakahiya rin kung hirangin na ni P-Noy si Interior Sec. Mar Roxas bilang presidential standard bearer sa 2016 election ng kanilang administration coalition. Maaalala na si Roxas ang unang admin official na nagmaliit sa pagpaslang ng 44 na tauhan niya, nang ituring niyang “mis-encounter” ang pangyayari.
Umaangal ang mga naulilang pamilya ng SAF-44. Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin daw naibibigay ang mga ipinangakong dagdag-abuloy, paaral, pabahay, pautang sa negosyo, atbp. Mas masaklap, wala pang katiyakan kung tutugisin talaga ng administrasyon ang mga salarin -- upang itaguyod ang katarungan. Baka ituring ito tulad ng pilit na kinakalimutang Luneta Massacre nu’ng simula ng termino ni P-Noy.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest