EDITORYAL - Nabigo ang mga ‘boss’ sa MRT at LRT
NOONG Miyerkules, dakong alas-siyete ng umaga, muling nagkaaberya ang Metro Rail Transit (MRT) habang palapit sa Shaw Boulevard Station. Tumirik ang train. Walang nagawa ang mga pasahero kundi bumaba at lakarin hanggang Shaw Station. Marami ang nagmumura sa inis dahil late na sila sa trabaho, klase at iba pang appointment. Wala silang nagawa kundi ang maghintay ng bus at taxi para makapasok. Pero imposible nang makarating sa takdang oras sapagkat napakabigat na ng trapik sa EDSA na inaabot ng dalawa hanggang tatlong oras bago makarating sa patutunguhan.
Noong nakaraang Martes, nagkaaberya na ang MRT at marami ring pasahero ang na-late sa kani-kanilang mga trabaho. Ang iba ay hindi na makapagmura sapagkat wala namang mangyayari. Magmura man nang magmura ay wala ring epekto sa mga namumuno sa bansang ito sapagkat hindi nila naranasang mag-commute at makipagsiksikan sa animo’y sardinas na MRT. Hindi pa nararanasan ng mga pinuno ang pumila nang pagkatagal-tagal sa North Avenue Station para lamang makasakay sa MRT. At kapag nakasakay na sa siksikang MRT at tinatahak ang kahabaan ng EDSA, saka naman ito titirik sa kalagitnaan. Kung hindi tumirik, bigla namang magbubukas ang pintuan at kung minamalas, mag-o-overshoot ang train sa barriers at sasadsad sa station. Hindi pa kabilang dito ang pabigla-biglang pagpreno ng drayber na ikinasusugat nang maraming pasahero.
Hindi lang mga pasahero ng MRT ang nagdurusa kundi pati na rin ang mga sumasakay sa Light Rail Transit (LRT). Tumitirik din ang LRT habang nasa kalagitnaan ng biyahe at walang magawa kundi ang maglakad. May pagkakataong nagbabanggaan pa ang mga tren ng LRT dahil sa driver’s error. Siksikan din at mahaba ang pila ng mga pasahero sa bawat LRT Stations.
Bigo ang pamahalaang Aquino na maisaayos ang MRT at LRT. Hindi naserbisyuhan nang maayos ang mga “boss”. Nagtaas pa ng pasahe ang MRT noong Enero 2015 pero hindi napagkalooban ng magandang serbisyo ang mamamayan. Nasa 500,000 ang pasaherong sumasakay araw-araw sa MRT.
Bababa na si P-Noy sa susunod na taon at iiwan niya ang MRT at LRT sa masamang kalagayan. Kawawa ang kanyang mga “boss” na anim na taong nagdusa.
- Latest