EDITORYAL - ‘Pasang krus’ ng mga mahihirap
MATAGAL nang nagsasakripisyo ang karaniwang mamamayan. Matagal na rin silang nag-aayuno dahil sa kakapusan nang makakain. Matagal na rin silang nagpepenetensiya sa paghahanap ng trabaho na laging mailap sapagka’t walang maipagkaloob ang gobyerno.
Habang marami ang nagtitiis, nagugutom at napapagal, walang tigil naman ang pagbabalita na tumaas ng 6.4 percent ang per capita income ng bansa noong nakaraang taon. Ayon sa economic managers, lumaki ang kita ng mga nasa low-income group. Pero mas malaki ang inangat ng ekonomiya noong 2012 sapagkat pumalo sa 6.6 percent. Ang pag-angat daw ng ekonomiya ay dahil sa “maayos at tuwid na pamamahala”.
Pero ang nakapagtataka, sa kabila nang paglago ng ekonomiya, marami pa rin ang mga nagsasabing sila ay mahirap at laging nakadadama ng gutom. Kung totoong gumanda ang ekonomiya, bakit maraming walang trabaho at patuloy na umaasa sa “cash transfer” ng gobyerno. Bakit maraming nakanganga at naghihintay sa pagbagsak ng bunga?
Sa Pulse Asia survey, 40 percent ng mga Pilipino ang nagsabing hindi sila nasisiyahan sa ginagawa ng gobyerno kung paano malulutas ang kahirapan at kawalan ng trabaho. Wala pa ring pagbabago sa buhay ng mga dukha at lalo pa umanong nalulubog sa kumunoy ng kahirapan.
Hindi mapagaan ng gobyerno ang pasanin ng mga mahihirap. Kahit ilang ulit nang nag-rollback ang petroleum products, nananatili pa ring mataas ang presyo ng mga bilihin. Bakit hindi atasan ang Department of Trade and Industry (DTI) na ibaba ang halaga ng mga bilihin?
Maraming mapagkukunan ng ikabubuhay sa bansang ito. Una na rito ang agricultural sector na may pinakamaraming source ng pagkakakitaan pero kulang ang pagsisikap ng gobyerno para rito. Sa halip na tulungan ang mga local na magsasaka na kumita sa kanilang ani, pinapaboran pa ng Department of Agriculture ang pag-iimport ng produkto – gaya ng bigas, sibuyas, bawang at marami pang iba.
Alisin sa balikat ng mga mahihirap ang “pasang krus”.
- Latest