Umento sa gov’t docs
MATAGAL na at napapanahon ito: Ang pagbibigay ng malaking umento sa mga doktor na naglilingkod sa mga ospital ng pamahalaan. Dapat na ring idamay ang lahat ng health workers sa mga pagamutan ng pamahalaan dahil ito’y insentibo para sila magsipag sa kapakanan na rin ng mga mahihirap na pasyente.
Niluluto na sa Senado ang panukalang batas para itaas sa salary grade level 24 na katumbas ng halos P50,000 ang minimum wage ng mga doktor ng gobyerno.
Ito ay panukalang batas (Senate Bill 2689) ni Sen. Grace Poe. Gaya nang nasabi ko, dapat idamay na rin ang iba pang health workers tulad ng mga nurse para mapabuti ang serbisyo ng mga government health facilities sa taumbayan lalo na sa mga mahihirap.
Ang problema kasi ngayon, ang mga nagsisipagtapos ng medisina ay kaagad humahanap ng trabaho sa abroad kundi man sa mga pribadong pagamutan nagtatrabaho. Yung iba naman ay nagtatayo na lamang ng sariling klinika. Kung mapagtitibay ang batas ni Poe, mahihikayat ang mga medical professionals na magtrabaho sa ospital ng gobyerno sa halip na mangibang-bansa.
Maraming dahilan ang tinukoy ng International Labor Organization kung bakit lumilisan ng bansa ang mga health professionals, kabilang dito ang “colonial mentality, economic needs, career development at mas maayos na standard of living sa ibang bansa.”
Sabi naman ng Alliance of Health Workers (AHW), ang pangunahing dahilan ng doctor migration ay ang mababang sahod at ang hindi makataong working conditions.
Hindi mo naman masisisi ang mga bagong graduates ng medisina dahil hindi birong halaga ang ginagastos nila sa edukasyon tapos sasahod lamang sila ng katiting.
Pero kasabay ng pagtataas sa suweldo ng mga medical professionals, dapat ding mag-upgrade ng pasilidad ang pamahalaan para makaagapay sa mga pribadong ospital na nagbibigay ng first class na serbisyo sa mga pasyente.
- Latest