EDITORYAL – Siguruhin ang kaligtasan ng mga pasahero
KAHAPON, dumagsa na sa mga bus terminal, pier at airport ang maraming pasahero para makauwi sa kani-kanilang probinsiya para sa paggunita sa Semana Santa. Ngayong araw na ito at hanggang Huwebes, inaasahan pa ang pagdagsa nang maraming pasahero. Pinakamarami ang sumasakay sa bus sapagkat mas mura at mas ligtas pa rin kumpara sa iba pang uri ng transportasyon.
Pero hindi naman dapat maging kampante ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Kailangang masiguro nila ang kaligtasan ng mga pasahero. Nararapat ang masusing pag-iinspeksiyon sa mga bus para matiyak na gumagana ang preno, may sapat na ilaw, maayos ang mga gulong at ang mahalaga, hindi lasing ang driver o kaya ay nagdodroga. Hindi dapat hayaang makapagmaneho ang mga driver na lasing. Ilalagay nila sa panganib ang buhay ng mga pasahero.
Marami nang pangyayari na naaaksidente ang bus sapagkat kasalanan ng driver. Lumalabas na walang kasanayan ang driver kaya naaaksidente. Mayroong nahuhulog sa bangin at maraming pasahero ang namatay. Napakalungkot na pangyayari sapagkat magbabakasyon lamang ang mga pasahero pero inihulog sila sa bangin ng driver na wala palang kasanayan sa pagmamaneho sa lugar. Ilang pampasaherong bus na ang nahulog sa ba-ngin dahil sa human error. Mayroong driver na kahit palusong ay nasa mataas na gear. Dahil sa bilis ng bulusok hindi na makontrol ang bus. Hanggang sa mahulog na sa bangin. Kawawang mga pasahero na namatay dahil sa kasalanan ng driver. Magkaroon ng matinding pag-iinspeksiyon sa mga bus.
Bukod sa bus, ang mga barko ang isa pa sa mga paboritong sakyan ng mga pasahero. Marami nang paglubog ng barko ang nangyari at dahil ito sa overloading. Ang M/V Doña Paz na binangga ng M/T Vector noong 1987 ay sinasabing punumpuno ng pasahero kaya maraming namatay. Nasa 4,000 ang namatay sa trahedya. Matuto na sana sa mga nakaraang trahedya ng barko. Huwag hayaang makabiyahe ang mga barkong parang sardinas sa dami ng pasahero.
- Latest